We use cookies to ensure you get the best browsing experience. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. For further information, click FIND OUT MORE.
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
E. San Juan, Jr.
Sa bunto't ng barikada nagtago tayo't kumalas... Maalikabok sa lansangang tinahak at tinalunton— (Sariwa pa ang gunita ko hanggang ngayon) Sino'ng humahabol sa atin? Nakadikit ang kaluluwa't laman, kinulapulan ng libag at pawis at usok ng Molotov cocktail at tear gas... Walang tubig sa bato walang awa ang isinumpang lugar na ito---walang pakialam o panghihimasok... Ahas na gumagapang sa bitak... May bukal kaya sa singit ng mga bato? Lagaslas ng bukal huni ng ibon sa sangang nakalupaypay Sino'ng sumusunod sa atin? Dinig mo ba ang yabag? Nagtatakbo tayo palayo sa panganib, palayo sa kilabot Umurong sa madlang humugos sa Plaza, umatras ngunit lumingon sa magkabila, maingat... Di ba ikaw at ako lamang ang tumakas, walang iba pa, ngunit sino 'yang humahangos sa tabi mo? Anong hayup ang gumagapang sa bitak? Hindi patak ng ulan o kaluskos ng bayawak sa muhon Hindi lagaslas ng batis o awit ng talahib na sinusuklay ng mabiyayang daliri ng hangin... Tumiwalag tayo sa hanay ng barikada, akala nati'y walang susubaybay o hahagilap Dito'y walang tinig ng pagsaklolo kundi taghoy ng kuliglig Walang daing o iyak o panangis Walang tubig sa biyak ng pader o batis sa nakabukang burol Nang tumingala ako'y nasulyapan ko ang dulo ng landas... Sa tabi ng muhon naghihintay ang aninong may putikang pangdong-- Anong hayup ang lumukso sa bitak? Nabulabog ang mga uwak sa gilid ng parang Walang tubig doon sa matahimik na alambreng bakod... Walang imik o ungol sa likod ng natuyo't nabuwal na mga punong-kahoy... Walang kamay na mag-aabot ng kapirasong tinapay. Sinong naglalakad ang umaantabay sa atin? May saplot sa mukha, nakabalatkayo, bitbit ang putikang pandong-- Di ko batid kung babae o lalaki, o binalaki— Lagaslas ng ulan agos ng ilog alingawngaw ng alon sa dalampasigan— Sino 'yang naglalakad sa kabilang tabi mo? Sinong kasama natin ang tumakbo't tumakas din upang tayo'y matagpuan dito, kaakbay at kabalikat? Nagmamadaling araw na noon (natatandaan ko pa) nang tayo'y lumuhod at humalik sa tigang na lupa nagpapasalamat na umabot din— awa ng armadong Birhen! -- sa napagkasunduang tipanan.