ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Impeachment case vs PNoy, ‘di kinagat ng oposisyon sa Kamara


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hindi pinatulan ng oposisyon sa Kamara de Representantes ang hiling ng isang taxpayer na ipa-impeach si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, kaugnay sa bentahan ng lupain na pag-aari ng gobyerno sa Baguio City. Sa pulong balitaan nitong Miyerkules sa Kamara, sinabi ni House Minority Leader Rep. Danilo Suarez, na napagkasunduan ng oposisyon na hindi magagamit na batayan ang usapin sa bentahan ng lupa sa Baguio City upang ipa-impeach si Aquino. “We in the minority have decided not to endorse the impeachment complaint against the President by a taxpayer. In the first place, we have not yet seen evidence of an impeachable offense in this complaint, although we are conducting our own investigation," pahayag ni Suarez. Sa sulat na tinanggap ni Suarez noong Pebrero mula kay Danilo Lihaylihay, lider ng Philippine Association of Revenue Informers, Inc., dapat umanong ma-impeach si Aquino dahil nagkaroon ng “massive tax fraud" nang payagan na maibenta sa SM Investment Corporation ang lupain ng gobyerno sa Baguio City. Sinasabing naisara ang kasunduan sa bentahan ng lupa noong 2011. Pero nasimulan ang pagpapasubasta ng lupain noon pang termino ni dating Fidel Ramos. Noong nakaraang linggo, sinabi ni dating House minority leader Rep Edcel Lagman, na hindi dapat pag-aksayahan ng panahon ng oposisyon ang reklamo ni Lihaylihay. Sa halip, dapat umanong maghanap ng ibang mabigat at napapanahong isyu ang oposisyon na magagamit laban sa pangulo. Sinabi ni Suarez na napagkasunduan ng kanilang grupo na huwag abusuhin ang proseso ng impeachment. “We realize that we should be able to practice what we preach. If we truly believe that impeachment should no longer be trivialized for partisan purposes then we ought to set the example ourselves – whether or not, as in this case, our colleagues in the majority choose to persist instead with their original reckless behavior," paliwanag ng lider ng minorya. Bukod kay Lihaylihay, nagpadala rin ng dalawang sulat sa minorya si Atty Oliver Lozano para hilingin na ipa-impeach si Aquino. Ang reklamo ni Lozano laban kay Aquino ay tungkol sa pagpapataw ng Department of Justice ng hold departure order (HDO) kay dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, at ang pagtutol ni PNoy na mailibing sa Libingan ng mga Bayani si dating pangulong Ferdinand Marcos Sr. Bukod sa reklamo ni Lozano, isang sulat din mula sa nagpakilalang grupo ng mga “retired officer" ang natanggap ng minorya na humihiling na patalsikin si Aquino dahil sa pagbibigay ng gobyerno ng pondo sa mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Wala umanong pangalan na nakasaad sa sulat na nag-akusa kay Aquino ng “betrayal of public trust" dahil sa pagpayag daw nito na magpalabas ng P5 milyon bilang donasyon sa MILF sa pulong na naganap noong September 2011. Ngunit idineklara ni Suarez na pawang mahina rin ang iba pang reklamo laban kay Aquino. Nakasaad sa reklamo ni Lihaylihay na naibenta ang 3.4-hectare government property na “Governor’s Park’’ sa Session Road sa halagang P500-milyon sa SM. Inakusahan niya sina Aquino, Executive Secretary Paquito Ochoa, Environment and Natural Resources Secretary Ramon Paje at ang SM Investments na nakagawa ng “massive tax evasion fraud and graft and corrupt practices through conspiracy and connivance." Bukod sa hindi umano naibigay sa pamahalaan ang mga kinauukulang buwis na dapat binayaran sa naganap na bentahan, labag umano sa Konstitusyon ang pagbenta ng naturang lupain na itinuturing, “alienable lands of the public domain." - RP/FRJ, GMA News