ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Anibersaryo ng isang grupo ng OFWs, ipinagdiwang sa KSA


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nagdiwang ng ikalawang anibersaryo sa Jeddah, Saudi Arabia ang mga miyembro ng Sangguniang Masang Pilipino International Incorporated (SPMII). Nagkaroon ng “maaksyong" presentasyon sa simula ng programa ang ilang kasapi ng grupo na sinaksihan ng panauhing pandangal na si Consul General Uriel Norman Garibay. Sa simula ng programa, kunwaring may isang lalaki na magtatangka ng masama kay CCGA Chairperson at Presiding Officer Billy L. Pecundo ng SMPII, na nagsasalita sa entablado. Ngunit bago pa man makalapit sa kanya ang lalaki, maaawat at magagapi na siya ng ibang kasali sa programa. Sa ganitong paraan ay maipakikita ng grupo ang kanilang kahandaan. Sinabi ni Garibay na kahit naabisuhan na siya sa magiging takbo ng programa ay nagulat pa rin siya sa nasaksihang eksena. Hinangaan ng opisyal ang pagiging organisado, disiplanado at pagkakaisa ng grupo. Sa kanyang mensahe, nagpahayag ng pag-asam si Garibay na ipagpapatuloy ng grupo ang layunin na maka-Diyos, maka-bayan, maka-tao at maka-kalikasan. Pinanumpa rin ni Garibay ang mga opisyal ng grupo sa KSA na pinangunahan nina Bartolome Torres (CEO overall, KSA), Arnulfo Lungka (Riyadh Administrator), Raymund Blangkaflor (Dammam Administrator) at Billy L. Pecundo (Jeddah Administrator). Pinasalamatan ni Pecundo ang mga dumalo sa pagtitipon at mga taga-konsulado sa ibinigay na suporta sa kanila. Ang SMPII ay itinatag ni Elpidio Reyes Tanaliga Jr noong Setyember 17, 1997 sa Camp Crame sa Quezon City, bilang isang community relation group na accredited ng Philippine National Police at nakarehistro sa Security and Exchange Commission. Nangako si Pecundo na sisikapin ng kanilang grupo na makapagbigay ng kontribusyon na kapaki-pakinabang sa mga OFW sa abot ng kanilang makakaya. - Ronald Concha/FRJ, GMA News