Lifestyle check sa lahat ng Customs personnel, hinirit
Bunga ng kontrobersiya sa pagkakasangkot sa gulo ng isang kawani ng Bureau of Customs (BOC) na nagmamaneho ng mamahaling kotse na Porsche, iminungkahi ng isang kongresista nitong Sabado na isailalim sa lifestyle check ang lahat ng kawani ng ahensiya. Sa isang pahayag, sinabi ni Cagayan Rep. Jack Enrile, na hindi sapat ang ginawang imbestigasyon kay Paulino Elevado, na nagresulta upang tuluyan na lamang nitong iwan ang trabaho bilang clerk ng BOC. Sinabi ng kongresista na ang kaso ni Elevado ay maaaring sintomas lamang ng mas malaking sakit sa BOC na pinapaniwalaang talamak ang katiwalian. “Like many ordinary and hardworking Filipinos, I find the arrogance of the Customs clerk who drives a Porsche and shoots another motorist over a traffic altercation very appalling. I am also quite intrigued at how this guy can afford his lifestyle given the level of salary he is supposed to be receiving at the BOC," ayon sa mambabatas. Bago magbitiw sa trabaho, ipinaliwanag ni Elevado na ibinebenta lamang niya ang Porsche bilang sideline na trabaho. Matapos mapabalita ang umano'y paghabol ni Elevado at panunutok ng baril sa mga nakaalitan nitong kabataan sa kalye, kaagad na iniutos ni BOC chief Rozanno Rufino Biazon ang imbestigasyon. Ayon kay Enrile, kailangang magkaroon ng mas malawak na hakbang ang pamahalaan upang masawata ang katiwalian sa gobyerno partikular sa BOC. “However, the government’s action on this case should not be limited to the clerk but to include the rest of the bureau. As a first step, it would be wise for the President to order a lifestyle check on all Customs employees, starting with their senior officials, to send the message that nobody is exempted from the administration’s ‘Daang Matuwid’ campaign," paliwanag ng kongresista. Idinagdag niya na dapat ipatupad ng pamahalaan ang mahigpit na kampanya para “linisin" ang BOC, gaya ng ginagawang pagtugis sa mga dating opisyal ng nakaraang administrasyon na hinihinalang sangkot sa katiwalian. - RP/FRJ, GMA News