ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Makinang kayang bumisto ng karneng botcha, naimbento ng mga HS student sa Bulacan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Maaari na umanong matukoy ang mga karne na kontaminado gaya ng mga tinatawag na “botcha" sa pamamagitan ng makina na naimbento ng mga high school student sa Bocaue, Bulacan. Labis ang kasiyahan ng mga mag-aaral sa Dr. Yanga’s Colleges Inc., (DYCI) High School sa Bocaue matapos magwagi ang kanilang mga kamag-aral sa ginanap na First Lego League (FLL) Lego league sa Pilipinas nitong Sabado. Inilahok ng mga pambato ng DYCI ang naimbento nilang makina na may kakayahang tukuyin ang mga kontaminadong karne. Ang makina ay tinawag nilang “Meat’s Anti-Germ Inspection Solution (Magis) v.2.0." Ang Magis v.2.0 ay nilikha ng 10 mag-aaral ng DYCI High School sa loob ng dalawang buwan. Isinabak ito ng DYCI sa FLL Philippines Championship na may temang “food factor" na isinagawa sa Quezon City Interactive Science Center. Matapos na paligsahan, tinanghal na kampiyon ang DYCI Blue Ocean 10, at ang likha nilang Magis v.2.0. “Hindi namin inaasahan ito. We never though our team will make it to the FLL World Championships," ayon kay Michael Yanga, director at principal ng DYCI High School. Sinabi ni Beryl Cruz, tagapagsanay ng 10 mag-aaral na tinawag na Blue Ocean 10, kahanga-hanga ang naimbentong makina dahil makatutulong ito para sa kapakanan ng kalusugan ng mga tao laban sa mga kontaminadong karne. Ang DYCI Blue Ocean 10 ay binubuo nina Trisha Carmela Santos, Gladys Leigh Malana, Dave Adrian Bien, Keight Dela Cruz, Lady Alein Goleng, Tim Fabillon, Ramikurt Del Prado, Jules Martin Agsaoay, Jonathan Alejandro, at Michelle Alcanar. Kakatawanin ng Blue Ocean 10 ang Pilipinas sa FLL Food Factor World Festival na isasagawa sa America’s Center and Edward Jones Dome Convention Plaza sa St. Louis, Missouri, USA. Sa naturang kompetisyon sa US ay lalahukan ng mga mag-aaral mula sa 60 bansa simula sa Abril 25 hanggang 28. – Rramos/FRJ, GMA News