7-anyos na lalaki, patay nang napagtripan daw ng mga solvent boys sa Cebu
Patay ang isang pitong-taong-gulang na lalaki matapos umanong mapagtripan ng mga hinihinalang solvent boy at ihulog sa dagat sa Lapu-lapu City sa Cebu. Sa GMA news Balitanghali nitong Biyernes, sinabing kakauwi lamang mula sa eskuwelahan ng biktimang si Joshua Veloso, nung Miyerkules nang maisipan nitong magpunta sa dalampasigan. Naglaro umano si Joshua kasama ang isang bata nang dumating ang isang grupo ng mga kabataan na tinatayang nasa lima hanggang walo ang bilang. Kuwento ng ilang saksi, itinulak umano ng isa sa mga batang kasama sa grupo si Joshua. Dahil high tide, malalim ang tubig at hindi nagawang makaahon ng biktima at nalunod. Hustisya naman ang sigaw ng mga magulang ng bata. “Hangad namin ay hustisya. Sana sumuko na lang ang mga may sala para malaman natin ang totoong nangyari," ayon sa ina ni Joshua na si Alma. Ayon sa Lapu-lapu police, grupo umano ng solvent boys na sakit ng ulo sa lugar ang posibleng responsable sa pagkamatay ni Joshua. Makikipagtulungan umano ang pulisya sa Department of Social Welfare and Development sa pagtutok sa kaso. - FRJ, GMA News