Hollywood actor Taylor Kitsch, walang rekord na dumating sa Pinas, ayon sa BI
Inihayag ng Bureau of Immigration (BI) na walang rekord na magpapakita na dumating sa Pilipinas ang Hollywood actor na si Taylor Kitsch. Gayunman, magsasagawa pa rin umano ng imbestigasyon ang BI kaugnay sa kuwento ni Kitsch sa US television show na 'Late Show' ni David Letterman tungkol sa naging karanasan niya sa isang airport sa “Pilipinas." Sa naturang American show, ipinakuwento ni Letterman kay Kitsch ang naging karanasan niya sa pagbiyahe sa “Pilipinas" habang nagsu-shooting ng pelikulang “Savages", na sinagot naman ng aktor na, “oh yeah." Nakasentro ang kuwento ni Kitsch sa hindi magandang karanasan niya sa isang airport at sa "Customs" personnel na sumita at sumuri sa kanyang pasaporte. Pero sa ginawang pagsusuri sa database ng BI, sinabi ni Atty. Ma. Antonette Mangrobang, spokesperson ng ahensiya, na walang silang nakitang pasahero na dumating sa Pilipinas na may pangalang “Taylor Kitsch." Bukod dito, wala rin umanong dayuhan na nabigyan ng working visa o alien certificate of registration-identity card (ACR I-Card) na ibinigay sa Canadian na nagngangalang Taylor Kitsch. “We also checked the flight manifests of all airlines from Japan to Manila and it all yielded negative results," ayon kay Mangrobang. Lumitaw sa pagsusuri sa Internet na ginawa ang shooting ng pelikulang “Savages" sa Indonesia at hindi sa Pilipinas. Sa kabila nito, sinabi ni Mangrobang, na nagbigay pa rin ng direktiba si BI Commissioner Ricardo David Jr., na magsagawa pa rin ng imbestigasyon sa kuwento ni Kitsch. Naunang nagsagawa ng imbestigasyon si Bureau of Customs (BOC) chief Ruffy Biazon dahil sa pagkabahala nang mabanggit sa kuwento ni Kitsch na isang “Customs" personnel ang dahilan kaya naantala ang pag-alis nito sa airport. Sa kanyang blog (Mr. Taylor Kitsch, “Hello!" from the Philippines), ipinaliwanag ni Biazon na magkaiba ang tungkilin ng mga tauhan ng BI at BOC. Ang mga tauhan ng Immigration ang humahawak umano ng passport ng mga pasahero para tatakan at hindi taga-BOC. Dahil dito, naniniwala si Biazon na mali ang kuwento ni Kitsch ngunit dismayado siya dahil hindi itinama ni Kitsch ang bansa nang banggitin ni Letterman ang “Pilipinas." Bagaman huli na, umaasa pa rin si Biazon na itutuwid nina Kitsch at Letterman ang pagkakamali at hihingi ng paumanhin, hindi lang sa mga tauhan ng BOC kundi sa lahat ng mga Pilipino. Pinayuhan naman ni Aurora Rep Juan Edgardo "Sonny" Angara si Kitsch na pag-aralan nito ang kanyang geography. -- BV/FRJ, GMA News