Hirit ng oposisyon: PNoy, dapat ibili na rin ng eroplano
Hindi lang pabor na ibinili ng bagong kotse si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, nais din ng oposisyon sa Kamara de Representantes na ibili ng sariling eroplano ang pinuno ng bansa. Sa pulong balitaan sa Kamara nitong Miyerkules, inihayag ni House Minority Leader Rep. Danilo Suarez, na suportado nila ang inihaing resolusyon ng grupo ng mayorya na dapat maglaan ng pondo ang gobyerno para sa bagong kotse ng pangulo. Ang bagong sasakyan ay kapalit ng 2007 limousine na presidential car na hindi na umano mapagkakatiwalaan dahil ilang ulit ng ipinagawa at minsan na ring tumirik sa kalsada. Sa ngayon, ang sariling Toyota Land Cruiser ni Aquino ang ginagamit niya sa pagbiyahe, na hindi rin umano lubos na ligtas para sa isang lider ng bansa dahil hindi ito bullet-proof. “We in the minority bloc unanimously support any decision of this administration to purchase a new official vehicle for President Aquino, preferably bullet and bombproof, and of the highest quality. When it comes to National Security, specifically the safety of the President, price should never be an issue," ayon kay Suarez. Bukod dito, sinabi ni Suarez na suportado rin nila sakaling bumili ng eroplano ang pamahalaan na gagamitin lamang ng pangulo para pa rin matiyak ang kaligtasan nito sa pagbiyahe. “The practice of chartering commercial airplanes or borrowing private planes from individuals or business conglomerates not only puts the President in serious security risk, it also places the Executive in possible conflict of interest situations," paliwanag niya. Ayon kay Eastern Samar Rep. Ben Evardone, isa sa mga pumirma sa resolusyon, ang pondo na gagamitin sa pagbili ng bagong sasakyan ay maaaring kunin ng Department of Budget and Management sa saving ng gobyerno. Trade-in ni Syjuco Si Iloilo Rep. Augusto Syjuco, handa namang i-trade-in o ipagpalit sa lumang presidential car ang kanyang 2011 Toyota Land Cruiser na bulletproof at bombproof na nagkakahalaga ng P8 hanggang P10 milyon. Mas bagay umano sa binatang pangulo ang Land Cruiser na presidential car kaysa nakaugaliang modelo na pangmatanda. Handa umano itong gawin ni Syjuco kapalit ng luma pero historical presidential car na Mercedes, na nalubog noon ng bagyong Ondoy. Si Syjuco ay naging pinuno ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa ilalim ng termino ni dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo. -- RP/FRJ/KG, GMA News