Henry Sy, ilan pang Pinoy, kasama sa Forbes list ng pinakamayayamang tao sa mundo
Pinangunahan ni Henry Sy, may-ari ng SM malls, ang anim na Pilipino ang napasama sa listahan ng pinakamayayamang tao sa mundo, ayon sa pinakabagong ulat ng Forbes magazine. Sa 1,226 tao sa listahan ng bagong isyu ng Forbes magazine’s annual World’s Billionaire ranking, nasa ika-116 puwesto si Sy na sinasabing may kabuuang kayamanan na umaabot sa $8 bilyon. Inilabas sa Forbes.com ang listahan ng pinakamayayamang tao sa mundo nitong Miyerkules (Huwebes sa Pilipinas). Sumunod naman kay Sy si Lucio Tan, may-ari ng Asia Brewery at Philippine Airlines. Nasa ika-314 puwesto siya sa listahan, at pinaniniwalaang nasa $3.5 bilyon ang kayamanan. Si Andrew Tan ang itinuturing ikatlong pinakamayamang Pinoy sa bansa at nasa 601 puwesto sa listahan ng Forbes. Nagmamay-ari niya ang Megaworld Corporation at Golden Arches Development Corporation na nagkakahalaga umano ng $2.1 bilyon. Ang pinakabata naman sa listahan ay si Enrique Razon, Jr., 52-anyos, na nasa ika-683 puwesto ng Forbes list. Tinatayang nasa $1.9 bilyon ang kanyang aria-arian dahil sa kanyang International Container Terminal Services company. Nakasama rin sa listahan sina Eduardo “Danding" Cojuangco, Jr. na nasa ika- 960 puwesto ($1.3 bilyon) at si Roberto Ongpin, may yamang umaabot sa $1 bilyon at nasa ika-1153 puwesto. Tiyuhin ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III si Cojuangco, na namamahala sa San Miguel Corporation. Si Ongpin naman ay naging sentro ng imbestigasyon kamakailan ng Senado dahil sa alegasyon na sangkot sa “insider trading." Ang alegasyon ay mariin niyang pinabulaanan. Noong Hunyo 2011, nakasama rin sa listahan ng Forbes Asia magazine sina Henry Sy at Lucio Tan bilang pinakamayayamang tao sa Pilipinas. Umabot umano ang kayamanan ni Sy sa $7.2 bilyon, samantalang $2.8 bilyon naman ang kay Tan. Kasama rin sa listahan ng Forbes Asia na pinakamayaman sa Pilipinas pero hindi nakasama sa listahan ng world riches, sina John Gokongwei Jr. ($2.4 bilyon); David Consunji ($1.9 bilyon); at Jaime Zobel de Ayala ($1.7 bilyon). -- Rouchelle R. Dinglasan/FRJ, GMA News