ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Lalaking ‘pinaglalamayan’, inakalang ‘nagmulto’ sa Facebook


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ano ang gagawin mo kung ang “friend" mo sa Facebook na inakala mong pinaglalamayan na ay biglang mag-update ng kanyang status at makipag-chat pa sa’yo? Ito ang nangyari kay Leah Baraca nang makita niyang nag-update ng status sa social networking site na Facebook, ang kanyang pamangkin na si Jun Mar Faeldog, na nang mga sandaling iyon ay inakala niyang bangkay na pinaglalamayan nila sa Sto. Nino, Marikina. Sa pag-aakalang ang ama lamang ni Jun Mar na si Mang Ricardo Faeldog ang nag-update sa Facebook account ng pamangkin, tinanong niya ito kung ano at bakit ganuon ang nangyari sa anak. Enero pa kasi ay hindi na umuwi sa kanilang bahay si Jun Mar. Wala rin daw itong komunikasyon sa kanyang pamilya. Kaya nang may nakitang pugot na bangkay ng lalaki sa San Mateo, Rizal noong nakaraang buwan, pinuntahan nila ito para kilalanin. Dahil walang ulo ang bangkay, umasa na lamang sila sa mga palatandaan sa katawan gaya ng nunal at balat upang kilalanin ito. Ayon kay Mang Ricardo, dahil tugma sa laki ng katawan ng kanyang anak ang bangkay, dagdag pa ang pagkakatulad ng nunal at balat, inakala nila na si Jun Mar nga ang bangkay. Matapos dumaan sa medico-legal, ibinigay sa pamilya Faeldog ng Antipolo Memorial Service ang naturang bangkay na tatlong linggo nang nakalagak sa kanila. Nitong Miyerkules, nakita umano ni Baraca na nag-update ng status ang Facebook account ni Jun Mar. Sa pag-aakalang si Mang Ricardo lang ang gumalaw sa account ng anak, kinausap niya ito sa pamamagitan ng chat. “Tinanong ko siya, kako kuya anong nangyari sa anak mo, bakit ganun ang nangyari," natatawang kwento ni Baraca sa GMA news 24 Oras nitong Huwebes ng gabi. Sumagot naman ang ka-chat ni Baraca at nalilitong nagtanong kung ano ang nangyari. Nagpakilala itong si Jun Mar at iginiit na buhay siya. “Sabi ko, hindi! Minumulto mo ‘ko, sabi ko," patuloy ni Baraca. Para patunayan ni Jun Mar na buhay siya at siya ang sumasagot sa Facebook, hinimok umano niya ang tiyahin na gumamit ng camera. Kuwento naman ni Mang Ricardo, nagalit pa siya nang ipaalam sa kanya na nakausap ng kamag-anak niya sa Facebook ang inakalang pinaglalamayang anak. “Sabi ko patay na ‘yan, ‘wag nating gawing biro. Eh yung bayaw ko pinipilit nang pinipilit na nakausap nga ‘to, sabi ko susuntukuin ko nga sana kagabi e, dahil talagang nabubuwisit ako," natatawang pahayag ni Mang Ricardo. Para patunayan na buhay siya, umuwi na sa bahay si Jun Mar, kasama ang kasintahan na itinanan na dahilan kaya hindi ito makauwi kaagad ng bahay. Natawa at natakot naman daw ang naramdaman ni Jun Mar nang malaman na pinaglalamayan siya. Dahil sa maling pagkilala sa bangkay, ibinalik sa punenarya ang pugot na bangkay. -- FRJimenez, GMA News