Batang babae, ginahasa, pinatay sa Maynila; 2 suspek, nadakip
Isang pitong-taong-gulang na babae ang ginahasa at pinatay ang natagpuan sa isang paupahang kuwarto sa Maynila nitong Biyernes ng gabi. Dalawang suspek naman ang nadakip at sinasabing umamin sa naturang krimen. Sa ulat ng GMA News TV Balitanghali nitong Sabado, sinabing nagulat ang umuupa sa kuwarto sa hilera ng paupahang bahay sa Sta Mesa, Manila, nang madiskubre nito ang bangkay ng bata na nakatakip ng kumot dakong 9:00 p.m. nitong Biyernes. Sa pagsusuri ng mga imbestigador, may nakitang tali sa leeg ng bata, may mga pasa sa katawan at walang saplot na pang-ibaba. Kuwento ng isang saksi, umaga nitong Biyernes nang makita niya ang isang 'di pamilyar na lalaki na pumunta sa isang pinapaupahang kuwarto at kasunod nito ang isang batang babae. Sa buong maghapon, wala naman daw narinig na kaguluhan ang saksi kaya laking gulat nila nang malaman na pinatay ang bata sa kanilang lugar. Sa follow-up operation, dalawang lalaki ang dinakip na kinilalang sina Cecilio Bacolo, alyas Junjun, 19-anyos; at Roderick Soliveres, alyas Mulong, na pawang taga-Paco, Manila. Pag-amin umano ni Junjun, tinawag siya ni Mulong at ipinaalam sa kanya na kursunada nito ang bata na dinala nila sa Sta Mesa. Bagaman pareho silang humalay sa biktima, sinabi umano ni Junjun na si Mulong ang unang gumalaw at pumatay sa bata. Humingi naman ng patawad ang mga ito sa ginawang krimen at idinahilan na nakainom lamang sila. - FRJ, GMA News