ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pag-iibigan ng lolo at lola sa Pangasinan, dapat umanong pamarisan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Pinatunayan nina lolo Gil at lola Nenita Soriano ng Binmaley, Pangasinan na natuturuan ang puso na umibig ng wagas. Ito’y matapos na humarap silang muli sa altar makalipas ng napakaraming taon mula nang sila’y ipagkasundo ng kanilang mga magulang. Pawang minor-de-edad pa lamang noon sina lolo Gil at lola Nenita nang ipagkasundo sila ng kanilang mga magulang para maging mag-asawa. Ngayon, kapwa 78-anyos na si lolo Gil at lola Nenita. At kahit ipinagkasundo lamang, batid ng kanilang 15 anak at 17 apo ang kwento ng kanilang pagmamahalan. Ang pagmamahalan nina lolo Gil at lola Nenita ay produkto ng kasunduan ng kanilang mga magulang. Naghandog ng tinatawag na “dote" o “dasel" sa Pangasinan ang ama ni lolo Gil para sa mga magulang ni lola Nenita. Kabilang sa dote ang 3,000 square meters na lupain na ngayo’y ginawa na nilang palaisdaan ng tilapia. “Ang bilin ng tatay ko, mahalin ko siya," pag-alaala ni lolo Gil sa bilin ng kanyang ama. Sinabi naman ni lola Nenita na wala na siyang nagawa noon kundi sundin ang kasunduan ng kanilang mga magulang. At ang kasunduan ay nauwi sa makatotohanang pag-iibigan. Ayon kay Roberto, anak ng mag-asawa, gaya ng iba ay nag-aaway din sina lolo Gil at lola Nenita. Pero sila na ang gumagawa ng paraan para sila magkasundo. Ang pagmamahalan ni lolo Gil at lola Nenita ay dapat daw pamarisan ng mga tumanggap ng sakramento ng kasal, ayon kay Fr. Victor Embuido ng Lingayen-Dagupan Archdiocese. Kinumpirma ng Simbahan na nadadagdagan ang bilang ng mga mag-asawang sumasailalim ngayon sa annulment process at binalewa ang banal na sakramento ng kasal. -- JArcellana/BMercado/FRJ, GMA News