ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mag-ina, patay sa sunog sa Cebu


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hindi na nailigtas ng kahol ng aso ang isang mag-ina sa Lapu-lapu City sa lalawigan ng Cebu matapos silang masawi sa sunog nitong Lunes ng umaga. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon, kinilala ang mga nasawi na sina Bella Veloso, 46-anyos, at anak niyang si Jewel, 32. Dakong 6:00 a.m. umano nitong Lunes nang makatanggap ng alarma ang mga bumbero tungkol sa nagaganap na sunog sa bahay ng mga biktima sa Brgy Pajac, Lapu-lapu. Ngunit hindi rin kaagad nakapunta sa nasusunog na bahay ang mga bumbero dahil sa mga nakalaylay na kawad ng kuryente at telepono sa kanilang dadaanan. Ayon kay F/Supt Victor Vibares, hindi nila puwedeng basta putulin ang ibang kawad na may kuryente dahil posibleng may disgrasya. Kwento naman ng kaanak ng mga nasawi, lima silang natutulog sa bahay nang maganap ang sunog. Nagising umano sila sa kahol ng aso at nakita nilang nilalamon na ang apoy ang bahay. Patuloy pa umanong iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog. Nitong Linggo, limang bahay din ang nasunog sa Brgy Quinot sa Cebu City. Wala namang iniulat na nasaktan o nasawi sa nabanggit na sunog na hinihinalang dahil sa kandila o electrical overload. -- FRJ, GMA News