Bayad sa jeep, tataas ng 50 centavos sa Miyerkules
Simula Miyerkules, ipatutupad sa buong bansa, maliban sa Rehiyon 12, ang pagtaas ng dagdag na 50 centavos sa minimum jeepney fares. Inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Martes ang petisyong 50-centavo provincial hike mula sa kasalakuyang singil na P8.00 bawat pasahero. Sa panayam ng radio dzBB, inihayag ni Department of Transportation and Communications (DOTC) Secretary Manuel Roxas II: "Ang report ni LTFRB Chairman [Jaime] Jacob, pinagpasyahan ng LTFRB na 50 centavos one-time sa unang sakay ang dagdag na maaaring ipataw ng jeep drivers." Sa hiwalay na panayam ng radio dzBB, inihayag ni LTFRB board member Manuel Iway na mapatutupad ang provincial fare hike simula Miyerkules. Ayon kay Iway, ipatutupad ang fare hike sa lahat ng rehiyon maliban sa Rehiyon 12, na hindi humiling ng fare adjustment. Ayon sa kanya, hindi na kinailangan ang fare matrix sapagkat "add-on" lamang ang 50-centavo hike. Walang dagdag na singil sa bawat kilometro matapos ang unang limang kilometro. Dagdag ni Iway, ipatutupad sa ngayon ang provincial fare hike habang pinag-aaralan pa ng LTFRB ang "main" petition na P2 fare hike. Nauna nang inihayag ni LTFRB spokesperson Sonia del Mundo na itinuturing ng LTFRB na "urgent" ang mga petition upang itaas ang singil sa mga jeep. Sa kabila nito, ayon kay Del Mundo, kasalakuyan pang sumasa-ilalim sa public hearings at consultations ang petisyong dagdag P2 sa P8 singil. Kabilang sa mga transport group na humiling ng 50-centavo provincial hike ay:
- Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (Fejodap)
- Alliance of Concerned Transport Operators (ACTO),
- Pangkalahatang Sanggunian Manila and Suburbs Drivers Association (Pasang Masda),
- 1-Utak, at
- Liga ng Transportasyon at Opereytors sa Pilipinas (LTOP).