PNoy, may hamon sa mga nagtapos sa PNPA
Hinamon ni Pangulong Benigno âNoynoy" Aquino III ang mga bagong pulis, bumbero at jail officer na mahusay na tuparin ang kanilang tungkulin at labanan ang korupsiyon para makuha ang tiwala ng publiko. Ang hamon ay nakapaloob sa talumpati ni Aquino sa graduation rites ng Sinagtala Class 2012 sa Philippine National Police Academy (PNPA) nitong Sabado na isinagawa sa Cavite. âSa mga magsisipagtapos ngayon, kumpyansa akong taas-noo ninyong maisusuot ang bagong uniporme at maipagmamalaki ang inyong papel sa lipunan. Bilang mga bagong pulis, bumbero at warden, maipagmamalaki ninyong bahagi na kayo ng propesyong kinikilala at nirerespeto ng mamamayan, hindi dahil sa korapsyon o pangongotong kundi dahil sa inyong sakripisyo at katapangan," ayon sa pangulo. Ang mga nagtapos sa PNPA ay magsisilbi sa Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, at Bureau of Jail Management and Penology. Sinabi ni Aquino na dapat pamarisan ng mga bagong tapos na pulis ang katapangang ipinamalas ng kanilang mga kasamahan na nakipaglaban sa mga rebelde. âKaliwaât kanan ang patunay na talagang matindi at lumalaban ang ating mga pulis, at talagang nakahanda silang tuparin ang kanilang tungkulin sa bayan," pahayag ni Aquino. Ginawa niyang halimbawa ang nangyari kay Senior Inspector Jay Dimaala, na pinangunahan ang kanyang mga kasamahan sa pakikipaglaban sa may 30 rebelde na sumalakay sa isang outpost sa Panabo, Davao del Norte noong March 2011. Gayundin ang ginawang pakikipaglaban ni Senior Inspector Charity Galvez, kasama ang may 30 tauhan na nakipaglaban naman sa may 250 rebelde sa Agusan del Sur noong July 2011. At nito lamang nakaraang Pebrero, binanggit ni Aquino sa kanyang talumpati ang paglaban ng mga tauhan ng BJMP sa Kidapawan sa mga taong armado ng rocket-propelled grenades at matataas na kalibre ng baril na nais magtakas ang isang bilanggo. âIto na nga po ang nangyayari sa kasalukuyan dahil sa pagtahak natin sa tuwid na daan. Kaya sa 220 graduates ng Sinagtala ... tularan ninyo ang mga nauna sa inyong patuloy na nagpapamalas ng katapangan at kabayanihan para sa bayan," ayon sa pangulo. Nais din ni Aquino na kumilos ang pulisya na mapababa pa ang antas ng krimen sa bansa tulad ng pagbaba umano sa kalahati ng mga kaso ng carjacking mula 2009 hanggang 2011. âHindi siguro suntok sa buwan kung umasa tayong mapapababa pa nang kalahati ang kaso sa taong ito," pahayag niya. Binigyan-diin ng pangulo na hindi dapat magpadala sa tukso ng salapi at sa halip ay laging isipin ang mga bagong nagtapos sa PNPA ang kanilang karangalan. Binalaan din niya ang mga ito laban sa mga pang-aabuso na maaaring maging dahilan para mawala sa kanila ang respeto at suporta ng mamamayan. âIf you are indifferent to the plight of ordinary people, they might even side with the enemies of the state," ayon kay Aquino. â FRJ, GMA News