Nagtapos na summa cum laude: Sakit na lupus, hindi naging hadlang sa isang babae sa Iloilo
Pinatunayan ng isang 24-anyos na babae sa Iloilo na hindi hadlang ang karamdaman para maabot ang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral. Sa ulat ng GMA News TV Balita Pilipinas Ngayon nitong Martes, ipinakita ang pagtatapos ni Ruthell Moreno, 24-anyos, may sakit na lupus, bilang summa cum laude ng West Visayas State University sa kursong Special Education. Taong 2006 umano nang nadiskubre ni Moreno na taglay niya ang naturang sakit na unti-unting pumapatay sa kanyang healthy tissue. Dahil sa naturang karamdaman, itinigil niya ang nauna niyang kursong nursing at kumuha ng special education. Aminado si Moreno na hindi naging madali ang kanyang pag-aaral dahil sa kanyang sakit. Pero hindi siya nagpatalo at ipinagpatuloy ang kanyang pag-aaral taglay ang matibay na pananampalataya sa Diyos at tiwala sa sarili. Sa tulong ng ilang duktor sa Iloilo, itinayo ni Moreno ang isang organisasyon na sumusuporta sa mga may lupus sa Region 6. Kung nagawa raw niya, maaari ring magawa at magtagumpay ng ibang katulad niya na may sakit na lupus para makamit ang kanilang pangarap. Sa ngayon, pinaghahandaan na ni Moreno ang kanyang board examination. – FRJ, GMA News