ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

13 Pinoy nurses, nakapasa sa Japan nursing exam


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ngayong taon, 13 Filipino nurses ang nakapasa sa Kangoshi, ang national licensure examination for nurses sa Japan, ayon sa Department of Labor and Employment nitong Miyerkules. Sinabi ni DOLE Secretary Rosalinda Baldoz na ang tagumpay ng 13 nurses ay nagpapakita lamang na maaaring maging "professionally competent" ang mga Pilipino. “I warmly congratulate the 13 Filipino nurses who passed the very difficult Japanese nursing examinations. This shows that Filipino nurses can compete with anyone around the world because they are professionally competent and skilled,” ani Baldoz. Ayon naman kay Labor Attache to Tokyo Clifford Paragua at Overseas Employment Administrator (POEA) chief Hans Leo Cacdac, inilabas ng Japan Ministry of Health and Welfare noong Lunes ang listahan ng mga kandidatong nagtagumpay sa National Examination of Nurses na isinagawa noong Pebrero 19. “With their passing the examination, they will now get their Japanese licenses and practice their profession as nurses to Japan,” ayon naman kay Baldoz. Bahagi ang 13 nurses sa dalawang batch na ipinadala sa Japan noong 2009 at 2010, sa ilalim ng Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (JPEPA). Siyam sa kanila ay nagmula sa unang batch habang ang apat ay mula sa ikalawang batch. Ayon kay Baldoz, umaabot na sa 15 ang kabuuang bilang ng mga nakapasa sa Japanese nursing licensure examination mula nang sinimulan ng Pilipinas na magpadala ng nurses sa Japan sa ilalim ng JPEPA noong 2009. Isa lamang ang nakapasa sa examination noong 2010. Isa lang din ang pumasa noong 2011. "A total of 160 Filipino candidate-nurses took the national examination, 61 of them from the first batch, 40 from the second batch and 54 from the third batch who came to Japan in 2011 and took the examination for the first time," ayon sa DOLE. Lucky 13 Ikinarangal ni Baldoz ang "lucky 13" na sina:

- Angelica de Guzman Tabora - Fatima Carla Libunao Santiago - Debbie San Pedro Sarausa - Excelsis John Cadungo Borbon - Christine Montalba Guevarra - Necy Abiera Suerto - Jenilou Espares Cabalatungan - Jeneth Geronimo de Guzman - Elvira Bucled Sibayan - Faith Marie Maniago Munar - Erwin Huizo Ramrez - Mildred Echalas dela Cerna - Ana Katrina Bantigue Catolico
Kinilala din ng DOLE ang pinaka-unang Filipina nurse passer na si Ever Gammed Lim, na pinarangalan bilang Woman OFW Achiever noong 2011. Samantala, inihayag ng DOLE na 102 health workers ang magiging ika-apat na batch ng mga kandidatong sasanayin ng Japanese hospitals at care facilities sa ilalim ng JPEPA. “This development means more Filipino nurses and caregivers will be given the opportunity to become licensed nurses and care workers in Japan and to possibly practice their profession in that country,” ani Baldoz. Ayon sa POEA, mayroong 102 kandidatong kasalakuyang sumasa-ilalim sa tatlong-buwang paghahanda para sa Japanese Language Training at ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Noong 2009, nilagdaan ng Pilipinas at Japan ang isang Memorandum of Understanding (MOU) para sa training at employment ng mga Filipino nurses and caregivers sa Japanese health care facilities sa ilalim ng JPEPA. Batay sa MOU, matapos makapasa ang fully-qualified nurses at certified caregivers sa Japanese national licensure examination, mabibigyan sila ng pagkakataong manatili ng "unlimited period" sa Japan upang ipapatuloy ang kanilang propesyon. Sa mga hindi makapapasa sa licensure examinations, papayagan ng Japan ang 80 percent sa kanila upang manatili ng isa pang taon para maka-retake ng examination. Kinakailangan lamang nilang makakuha ng score na 100, o 50 percent ng passing score na 203. Kinakailangan ding payagan sila ng kanilang host institutions upang mag-extend ng isa pang taon. Samantala, ayon naman kay Cacdac ng POEA, 63 sa 93 kandidato ng unang batch ng mga JPEPA trainees na dumating Japan noong 2009 ay nakakuha na ng Japanese national examination for nurses noong Peb. 19. Pero 28 sa kanila ay umuwi sa Pilipinas dahil sa iilang mga kadahilanan. “I have asked the Philippine Overseas Labor Office in Tokyo to provide us an update on the results of the examination and to identify the nurses who are about to go home so we can plan for possible assistance we can give them,” ani Cacdac. Suporta ng Japan MOFA Sa isang hiwalay na news release, inihayag ng DOLE na handang tumulong umano ang Japan Ministry of Foreign Affairs (MOFA) sa mga bigong kandidato na uuwi ng Pilipinas. Magsasagawa umano ang MOFA ng job matching efforts sa loob ng Japanese companies. Samantala, sinabi naman ni Cacdac na kasalukuyan pang sinusuri ng Japan ang hiling ng Philippine government na bawasan ng isang taon ang tatlong taong training requirement na nakasaad sa kasunduan. Dagdag pa niya, hiniling din nila sa Japan ang pagkakaroon ng "improved recruitment process" para sa kandidatong caregivers at nurses sa pag-apply. Nais nilang gawin itong merit-based sa halip na "first-come-first-served" basis. Ayon kay Cacdac, tatalakayin nila ang mga isyung ito sa darating na review ng JPEPA. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News