Babaeng sumampa sa butanding sa Cebu nag-sorry
Kumalat kamakailan sa Facebook ang litrato ng isang whale shark o butanding na tila ginawang surf board ng isang babae — at marami ang hindi natuwa rito. Kinilala sa ulat ng Cebu Daily News ang babae na si Carinn Lestolis, 18, na humingi na umano ng tawad sa kanyang ginawa. Aniya, hindi niya alam na bawal hawakan ang butanding. "We didn't know it's wrong to touch them. All we know was that they shouldn't be harmed," ani Lestolis sa salitang Cebuano. "We got excited and happy when we saw the whale shark, so we posed with it and posted it on Facebook." Kuha ang nasabing litrato sa Boljoon, Cebu. Ayon sa ulat ng Cebu Daily News, isang Pablo Trapero ang umaming aksidente niyang nahuli ang butanding nang mapadpad ito sa kanyang lambat. Hinila raw niya ito palapit sa dalampasigan para tulungang makawala. Ngunit bago nila ito pakawalan, lumapit ang ilang residente upang kuhanan ito ng litrato. Maltreatment Sa ulat ng "24 Oras" ng GMA News nitong Lunes, ipinaalala ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na mahigpit na ipinagbabawal ang paghuli sa mga butanding dahil isa itong endangered species. Bukod sa litrato ni Lestolis, kumalat din kasi sa Facebook ang litrato ng isang butanding na tila tinali ang buntot. Ayon kay Atty. Annie Vitug, chief ng Fisheries Regulatory and Quarantine Division ng BFAR, labag sa batas ang pagtali sa butanding. "Dito sa pagtali, nagku-qualify siya ng maltreatment under Wildlife Act, 'yung Republic Act 9147," aniya. Nakasaad sa nasabing batas na: "... it shall be unlawful for any person to willfully knowing exploit wildlife resources and their habitats, or undertake the following acts... maltreating and/ or inflicting other injuries..." "Sa pagtali, pwede ring mag-qualify as possession, capturing dahil nasa control mo," ani Vitug. Mayroong multang P500 ang paglabag dito, ayon kay Vitug. Maaari ring mabilanggo ng anim na buwan hanggang apat na taon ang mga lalabag. Ecotourism Samantala, patuloy ang pagdagsa ng mga turista sa Oslob, ang kalapit na bayan ng Baljoon kung saan bahagi ng ecotourism ang mga butanding. Sa panayam ng "Balita Pilipinas Ngayon" ng GMA News TV, sinabi ni Oslob Mayor Ronald Guaren na isa sa mga kabuhayan sa kanilang bayan ay ang mga turistang nagwe-whale watching. Aniya, umaabot sa 200 turista ang bumibisita sa kanilang bayan mula Lunes hanggang Biyernes. Giit ng mayor, mayroon silang mga patakarang sinusunod upang manatiling ligtas ang mga butanding. "Walang taong pwedeng mag-feed at mag-paddle na hindi member ng association. Ito ay para maprotektahan ang ating mga whale shark. Nilagyan natin ng harang para walang makapasok na mga bangka na may motor," ani Guaren. Tiniyak din ni Guaren na hindi mangyayayri sa kanilang bayan ang ginawa sa butanding sa Boljoon. Dagdag niya, kukuha rin sila ng marine biologist upang pag-aralan ang karagatan sa kanilang bayan. Natural selves Sa hiwalay namang panayam ng GMA News Online kay Dr. AA Yaptinchay, founder ng Marine Mammal Wildlife Watch of the Philippines (MWWP), iginiit niya ang kahalagahan sa pagiging responsable sa ecotourism. Ayon sa kanya, "Let the shark be their natural selves. Huwag paki-alaman. Huwag ding pakainin." Giit niya, mahalagang gumawa ng sariling mga guidelines ang mga negosyong papasok sa ecotourism na magpapabuti sa kalagayan ng butanding at iba pang wildlife animals. Ayon kay Yaptinchay, may ilang mga guidelines na kailangang gawin sa oras na mapalapit ang mga butanding o kahit anong wildlife creature sa dalampasigan. Ilan sa mga ito ay:
- let the sharks be their natural selves, huwag paki-alaman,
- huwag itong pakainin,
- huwag itong itali,
- hintayin ang high tide bago pakawalan,
- itala ang sukat nito at itsura upang mapag-aralan,
- bigyang prayoridad ang public safety.