ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga isdang lumutang sa ilog sa 2 barangay sa Davao City, ‘di raw dapat kainin


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Pinayuhan ng mga awtoridad ang mga residente sa dalawang barangay na nakasasakop sa Lipadas River sa Toril, Davao City, na huwag kainin ang mga isdang lumutang dito na pinaniniwalaang nalason sa kemikal na itinapon sa ilog. Sa ulat ni GMA-Davao Reporter Marlon Palma-Gil sa Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Martes, sinabing patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR-Region 11), kaugnay sa pagkamatay ng mga isda. Nitong Lunes umano napansin ng mga residente sa Brgy Sirawan at Lizada ang paglutangan ng mga patay na isda gaya ng tilapia at kasili. “Pinuntahan ko ang sapa, pagtingin ko merong mga tao na kumukuha ng mga isdang patay na," ayon kay brgy Lizada chairman Remegio Licera. Hindi umano dapat kainin ang mga patay na isda na nakukuha sa ilog dahil malaki ang posibilidad na namatay umano ang mga ito dahil sa pagkalason. Hinihinala ang lokal na opisyal na dumi na galing sa pabrika ang sanhi ng fish kill. “May piggery dito, merong ding factory ng mango juice at oil mill. Pero hindi natin masiguro kung saan galing ang waste," ayon kay Licera. Sinabi naman ni Jose Villanueva, ng BFAR-Region 11, na patuloy ang ginagawa nilang imbestigasyon para matukoy kung sino ang dapat managot sa nangyari sa ilog. “Kung umuulan parang sinasabay nila ng pag-release siguro ng kanilang effluents o waste. Nag-dispatch na kami ngayon ng team para puntahan ang Sirawan," ayon sa opisyal. -- FRJ, GMA News

Tags: fishkill, dagupan