ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ina sa Cebu, humingi ng tulong sa pulisya para maalis ang hubad na litrato ng anak sa porn site


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Isang ina sa Cebu ang humingi ng tulong sa pulisya para matanggal sa isang pornographic website ang hubad na larawan ng kanyang 14-anyos na anak na babae. Sa panayam ni GMA-Cebu Reporter Ana Desamparado sa ina ng dalagita, sinabi nito na ang mga larawan ng anak ay kuha ng isang lalaki na nakilala umano ng biktima sa isang social networking site. Sa ulat ng primetime news 24 Oras nitong Miyerkules, sinabing inalok daw ng lalaki ang biktima, kasama ang isa pang babae, na makipagkita kapalit ng P4,000. Nakatagpo ng dalagita ang lalaki sa isang hotel at doon ay pinagamit umano sila ng iligal na droga. Pagkatapos ay pinaghubad sila at kinunan ng larawan sa kasunduan na hindi ito lalabas sa Internet. Pero nitong Marso ay isang kakilala umano ng dalagita ang nakakita sa mga hubad na larawan ng biktima. Dahil sa kahihiyan, hindi na raw ito lumalabas ng bahay. Inihayag naman ng pulisya, makikipag-ugnayan sila sa Anti-cyber Crime Unit ng PNP-CIDG para malaman ang administrator ng pornographic website at mapaalis ang hubad na larawan ng dalagita. Nais din ng pulisya na makuha ang buong detalye tungkol sa lalaking nakilala ng dalagita sa Internet. Kasabay nito, mahigpit na nagbigay ng paalala ang pulisya sa publiko na huwag basta magtitiwala sa mga taong nakikilala sa Internet. -- FRJimenez, GMA News

Tags: cebu, pornsite