Testigo sa pagpatay sa ex-broadcaster at brgy captain sa Davao City, handa raw lumantad
Handa raw lumantad ang mga testigo sa naganap na pamamaril at pagpatay sa dating radio broadcaster at barangay captain sa Davao City. Sa ulat ng GMA News TV Balita Pilipinas Ngayon nitong Miyerkules, sinabi ni Rica Layao, misis ng biktimang si Aldion Layao, na dati na umanong nakatatanggap ng banta sa buhay ang kanyang mister. Ang mga pagbabanta ay galing daw sa mga kalaban sa pulitika ng kanyang mister at mga nabatikos nito noon sa radyo. Sa kabila nito, hindi umano kumuha ng bodyguard ang kanyang mister. Tumanggi na muna si Gng Layao na pangalan ang kanilang mga testigo dahil nais ng mga ito na matiyak muna ang kanilang seguridad. Si (Aldion) Layao ay binaril at napatay ng dalawang suspek na nakasakay sa isang motorsiklo noong Abril 8 sa Brgy Lacson, Davao City. - FRJ, GMA News