Pagbuhay ng Bataan Nuclear Power Plant, tinutulan ng isang obispo
Mariing tinutulan ng isang obispo ng Simbahang Katoliko ang mungkahing buhayin ang kontrobersiyal na Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) para mapaghandaan ang posibilidad na krisis sa enerhiya. Ayon kay Bataan Bishop Ruperto Santos, suportado ng Simbahan ang posisyon ng mga mamamayan ng Bataan na tumutol na buhayin ang BNPP. Iginiit niya na dapat matuto ng leksiyon ang Pilipinas sa nangyaring krisis sa Japan nang magkaaberya ang kanilang nuke power plant sa Fukushima nang maganap ang malakas na earthquake sa nabanggit na bansa noong nakaraang taon. Muling nabuhay ang usapin tungkol sa paggamit ng nuclear power plant dahil na rin sa nararanasang krisis sa enerhiya sa Mindanao. Ngunit iginiit ni Santos na hindi dapat ikompromiso ang kaligtasan at kalusugan ng tao at maging ang kalikasan na maaaring malagay sa panganib kapag nagkaaberya ang BNPP. "Ang stand ng Bataan ay hindi magbabago. Tayo ay palaging ‘no to nuclear power plant.’ Alam nila na simula nang dumating ako rito ay non-negotiable, na hindi bubuksan at hindi dapat buksan," pahayag ng obispo sa panayam ng Radio Veritas nitong Huwebes. “Hindi papayag ang Simbahan na ikompromiso ang kalikasan at kalusugan ng mga tao," pagdiin pa ni Santos. Sinabi pa ng obispo na maraming paraan na maaaring gawin ang pamahalaan para makalikha ng enerhiya gaya ng pagpapalakas ng programa sa renewal energy katulad ng mga hydro-power plant. Ang NBPP ay naitayo noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, na kahit hindi nagamit ay patuloy na binayaran ng pamahalaan. -- MP/FRJ/KG, GMA News