Rep. Ruben Ecleo Jr., hinatulang guilty sa pagpatay sa kanyang misis
Hinatulan ng Cebu City Regional Trial Court na guilty sa salang pagpatay sa kanyang misis noong 2002 ang dating kongresista ng Dinagat Islands na si Ruben Ecleo Jr.
Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Biyernes, sinabing hinatulan si Ecleo ng pagkakakulong ng hanggang 40 taon sa kasong parricide.
Enero noong 2002 nang matagpuan ni Alona Bacolod-Ecleo sa isang bangin sa Cebu. Isinakdal ng mga kamag-anak ng biktima ang mister nitong Ecleo.
Bukod sa hatol na pagkakakulong, pinagbabayad din ang dating kongresista ng danyos na aabot ng P25 milyon para sa pamilya ni Alona.
Hindi naman naging lubos ang kasiyahan na nadarama ng mga kamag-anak ni Alona sa hatol ng korte dahil patuloy na pinaghahanap ng pulisya si Ecleo.
Nagsimulang magtago ang dating kongresista nang pawalang-bisa ng korte ang kanyang piyansa noong nakaraang taon.
Noong 2011, lumabas din ang pinal na desisyon ng Korte Suprema na kumakatig sa naging desisyon ng Sandiganbayan na dapat makulong si Ecleo dahil naman sa kasong katiwalian.
Kasunod ng naturang desisyon ng SC, nagpasya ang liderato ng Kamara de Representantes na tanggalin na sa listahan ng mga kongresista si Ecleo. Pero hindi ito natuloy dahil iniapela pa ang kaso. -- FRJ, GMA News