ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Takot sa aswang ng ilang residente sa Pozorrubio, Pangasinan, wala raw basehan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Pinawi ng mga eksperto sa digital photography ang pangamba ng ilang residente sa barangay Villegas, Pozorrubio sa Pangasinan tungkol sa umanong aswang o manananggal sa lugar. Sa panayam ng GMA News sa cyber artist at photography experts na sina Jim Manaois at Kalikasan Mallari, peke ang larawang ipinakita ng isang residente sa tungkol sa umano’y kuha sa aswang na nambibiktima sa mga alagang hayop. Paliwanag nila, ginamitan ng graphics editing program ang larawan para mabago ang itsura sa litrato. Mapapansin din umano ang “pag-crop" sa larawan ng umano’y aswang batay sa pixel dimension ng litrato. Sa pagtingin sa mga larawan na nasa Internet, lumitaw na na-edit na rin ang kumakalat na larawan noong pang 2006. Dahil sa mga modernong application sa mga camera at maging sa cellphone, maaari na ring ma-edit ang isang larawan para magmukhang nakakatakot, pawalinag nila. Kamakailan ay napaulat ang ginagawang pagronda sa gabi ng ilang residente sa barangay Villegas, bitbit ang mga matutulis na kawayan at iba pang “armas" para hanapin ang sinasabing aswang. Nauna nang pinaalalahan ng Simbahang Katoliko ang publiko na huwag agad maniniwala sa mga kwentong at sa halip ay patatagin ang kanilang pananampalataya sa Diyos. Maging si Police Chief Insp Satur Ediong, hepe ng Pozorrubio police station, ay nagpahayag na wala silang natatanggap na ulat na magpapatunay may nabiktimang hayop ang sinasabing aswang sa kanilang lugar. -- ATulagan /MSabado /GLcalicdan/FRJ, GMA News