ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Suspek sa Robinsons Galleria mall robbery, nahuli sa Iloilo


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Isa sa mga suspek sa pagnanakaw at paghahagis ng granada sa Robinsons Galleria mall sa Ortigas noong Marso ang nadakip ng mga awtoridad sa lalawigan ng Iloilo. Sa ulat ng dzBB radio nitong Martes, sinabing nahuli ang suspek na kinilalang si Willy Enriquez, sa kanyang pinagtataguang bahay sa bayan ng Lemery sa Iloilo. Nakuha umano ng mga pulis sa safe house ni Enriquez ang dalawang baril. Ang operasyon ay isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Iloilo at Quezon City police, at Western Visayas regional police intelligence operatives. Sinabi sa ulat na si Enriquez na kinilala ng mga saksi na kasama siya sa mga sumalakay sa naturang mall. Isa ang patay at anim na iba pa ang nasugatan sa ginawang pamamaril at paghagis ng granada ng mga suspek. Lumitaw din na mayroon na umanong mga dating kaso si Enriquez kabilang ang robbery. Batay sa nakalap na impormasyon ng mga imbestigador, sinabing dumating sa Lemery si Enriquez kasama ang dalawang iba pa, ilang araw matapos ang nangyaring insidente sa mall. – FRJ, GMA News