Ex-Pres. Arroyo, pinasususpindi ng Ombudsman bilang kongresista
Hiniling ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan Fourth Division na suspindihin bilang kongresista ng Pampanga si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Ito ay makaraang maghain ng not guilty plea si Arroyo sa kinakaharap na anti-graft case na nakabinbin sa Sandiganbayan kaugnay sa nabulilyasong kontrata ng National Broadband Network (NBN) sa Zhongxing Telecommunication Equipment (ZTE) Corporation ng China. Ayon sa Ombudsman, ang pagsuspindi kay Arroyo ay normal na proseso sa mga kasong dinidinig na kinasasangkutan ng mga opisyal ng pamahalaan. “Under Section 13 of Republic Act (RA) No. 3019, as amended, otherwise known as the Anti-Graft and Corrupt Practices Act, the suspension of a public officer against whom a valid information has been filed for any offense defined and penalized under said Act or under Title 7, Book II of the Revised Penal Code or for any offense involving fraud upon government or public funds or property whether as a simple or as a complex offense and in whatever state of execution and mode of participation, is mandatory," nakasaad sa hiling ng Ombudsman. Naglagak ng P70,000 piyansa si Arroyo noong nakaraang buwan para sa kanyang pansamantalang kalayaan kaugnay ng two counts of graft at isang kaso ng paglabag sa Republic Act (RA) No. 6713 or the Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees. Bukod kay Arroyo, binasahan din ng sakdal ng Fourth Division ng Sandiganbayan na pinamumunuan ni Associate Justice Gregory Ong, sina dating First Gentleman Jose Miguel “Mike" Arroyo at dating Commission on Elections (Comelec) chair Benjamin Abalos Sr. Kapwa naghain din ng not guilty plea sina G Arroyo at Abalos sa kasong pakikipagsabwatan sa umano’y “grossly and manifest disadvantageous contract" na pinasok ng Arroyo government sa nabulilyadong proyekto. Natuloy ang pagbasa ng sakdal sa mga akusado sa kabila ng kahilingan ng kampo ni Arroyo na ipagpaliban ang pagdinig dahil may sakit na “shingles" ang dating pangulo. Si Gng Arroyo ay kasalukuyang naka-hospital arrest sa Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City dahil sa iba pang kasong kinasasangkutan nito gaya ng electoral sabotage. -- RP/FRJ, GMA News