ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pangako umano ni PNoy sa mga informal settler, ipinaalala ng isang obispo


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ipinaalala ng isang Obispo ng Simbahang Katoliko ang pinasok umanong kasunduan ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, sa mga maralitang taga-lungsod noong panahon ng kampanya ng 2010 presidential elections. Halos magdadalawang taon mula nang maluklok sa Palasyo, sinabi ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, na hindi pa natutupad ni Aquino ang kanyang pangako sa mga mahihirap na pagkakalooban sila ng maayos, disente at makataong pabahay. “Nagkaroon nga sila ng covenant si PNoy at ang urban poor na kapag siya ay napaluklok ay papansinin niya ang kalagayan ng urban poor. Pero sa ngayon ay walang programa para bigyan ng talagang disenteng hanapbuhay at disenteng paninirahan ang urban poor," pahayag sa panayam ng Radio Veritas ni Pabillo, chairman ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines' National Secretariat for Social Action, Justice and Peace (CBCP-NASSA). Bukod sa kawalan ng mahusay na programang pabahay, pinuna rin ng obispo ang patuloy na demolisyon ng bahay ng mga maralita nang walang nakahandang mahusay na relokasyon sa mga mahihirap na taga-lungsod. Kung mayroon mang nakalaang relokasyon sa mga lalawigan gaya ng Cavite, Rizal at Laguna, sinabi ng Obispo na walang ikabubuhay at mga tao sa lugar kaya napipilitan din silang bumalik sa lungsod. “Hindi solusyon iyan (paglipat sa malayong lugar), babalik at babalik iyan sa Metro Manila para maghanap ng trabaho. Dapat tingnan ng pamahalaan ang in-city development o in-city housing," patungkol ni Pabillo sa pagtatayo ng murang pabahay sa mismong lungsod sa halip na ilipat ang mga maralita sa lalawigan. “Hindi natin masasabi na walang lupa sa kalungsuran dahil iyong mga lupa ay nabibili ng mga mayayaman para (pagtayuan) ng mga mall at high rise condominium," dagdag niya. Nanawagan din si Pabillo sa pangulo na bigyan-pansin ang ginawang pag-aaral ng International Human Rights Organization Center on Housing Rights and Eviction, kung saan lumabas na isa ang Pilipinas sa mga bansa sa mundo na lumalabag sa housing rights ng mga mahihirap. Sa naturang pag-aaral, sinasabing 1.4 milyon ang pamilyang Pinoy ang informal settlers, habang 70,450 sa mga ito ay biktima ng mararahas na demolisyon at kawalan ng relokasyon. -- MP/FRJ, GMA News