Sen. Jinggoy, umaasang mahihirang na national artist si Dolphy habang nabubuhay pa ito
Bago sina Nora Aunor at Batangas Governor Vilma Santos-Recto, dapat umanong unahin na ideklarang Pambansang Alagad ng Sining ang Comedy King ng Philippine showbiz na si Dolphy. Sa ulat ni GMA News reporter Tricia Zafra sa 24 Oras nitong Huwebes, sinabi ni Senador Jinggoy Estrada na dapat ikonsidera ang kalagayan ngayon ng beteranong 83-anyos na aktor. “Unahin natin si Tito Dolphy because of his age and because of his health. Sana maitanghal siyang national artist habang siya’y nabubuhay pa," pahayag ng senador. Nauna nang inindorso at hiniling noon ni Sen. Manny Villar na hiranging national artist si Dolphy dahil sa malaking kontribusyon nito sa industriya ng showbiz. Bago pa man nakilala sa larangan ng pag-arte, dating bodaville dancer sa entablado si Dolphy noong panahon ng ikalawang pandaigdigang digmaan. Itinuturing ni Dolphy ang sarili na kabilang sa mga unang overseas Filipino workers dahil ilang beses din silang nagtrabaho sa ibang bansa bilang entertainer ng kanyang kaibigan at batikang mananayaw na si Bayani Casimiro. Una rito, dalawang kongresista ang nagpalutang sa pangalan nina Nora at Vilma para hiranging nationalist artist matapos lumipas ang dalawang taon na walang hinihirang ang pamahalaan. Naging kontrobersiyal ang pinakahuling paghirang ng national artist nang magpalabas ng temporary restraining order ang Korte Suprema sa conferment ni Direk Carlo J Caparas noong 2009, dahil hindi umano ito dumaan sa tamang proseso. Ang national artist ay sinasala ng mga pinuno ng Cultural Center of the Philippines at National Commission for Culture and the Arts mula sa mga isusumiteng pangalan ng mga nominado. Maging si Sen. Francis Escudero ay pabor na gawing national artist ang mga nabanggit na haligi ng Philippine showbiz pero hindi na umano kailangang idaan pa sa paggawa ng panukala o resolusyon ang paghirang sa mga ito. Para sa senador, mas makabubuti kung hahayaan na lamang ng mga pulitiko sa mga dalubhasa sa sining ang magpasya at magrekomenda sa Pangulo ng mga national artist upang hindi na ito mabahiran pa ng pulitika. “Siguro huwag nang mga kongresista dahil baka magamit lamang ito sa pulitika. Hayaan natin ang mga dalubhasa sa sining ang magpasya at magrekomenda sa Pangulo kung sino ang dapat niyang kilalanin at ideklara bilang national artist," paliwanag ng senador. “Ito ay delegated function na ng Kongreso na hindi na po namin siguro kailangang pagbuhusan ng ganoong karaming oras, away at bangayan," dagdag niya na dapat umanong unahin ng mga mambabatas ang mga mas malalaking problema na direktang may epekto sa sikmura ng mamamayan. -- FRJimenez, GMA News