Paghirang ng PNP ng tatlong tagapagsalita, wala raw masama, ayon kay Valte
Walang nakikitang masama ang tagapagsalita ng Malacañang sa ginawang pagtatalaga ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Nicanor Bartolome ng tatlong tagapagsalita ng ahensiya. Ayon kay Deputy presidential spokesperson Abigail Valte, hindi madali ang trabaho ng tagapagsalita lalo na sa ahensiya ng pulisya na kailangan maging transparent sa publiko. “Baka minsan hindi kinakaya ng spokesman ng PNP ang load. It’s time he got help from other people," paliwanag ni Valte sa panayam ng dzRB radio nitong Sabado. Idinagdag ng opisyal na “internal matter" sa PNP ang naturang usapin. Sa Valte ay isa lamang sa mga tagapagsalita ng Palasyo, kasama sina Secretary Edwin Lacierda at Ricky Carandang. Una rito, sinabi ng pamunuan ng PNP na mas magiging madali na ang pakikipag-ugnayan ng publiko at media sa paghirang sa tatlong tagapagsalita na sina: - Chief Superintendent Lina Sarmiento, pinuno ng Directorate for Police Community Relations; - Chief Superintendent Agrimero Cruz Jr., director ng Police Community Relations Group (PCRG); at - Senior Superintendent Generoso Cerbo, bagong talagang pinuno ng Public Information Office. Ayon kay Bartolome, si Cerbo ang pangkalahatang mamahala sa police-media relations. Idinagdag pa niya na kailangang mag-ugnayan ang tatlo, “to discuss coordination so that there will be no overlapping of duties and conflicting statements on issues." Ito ang unang pagkakataon na nagtalaga ang PNP ng tatlong tagapagsalita. — FRJ, GMA News