Isa patay sa madugong demolisyon sa Parañaque
Isa ang patay nang mauwi sa karahasan ang demolisyon sa isang talipapa sa Sucat, Parañaque City nitong Lunes ng umaga. Sa ulat ng "Balitanghali" ng GMA News TV, inihayag ni Parañaque City Mayor Florencio Bernabe Jr. na kasalakuyan pang kinikilala ng mga awtoridad ang biktima. Samantala, sa kanilang Twitter account, inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na pansamantalang isinara ang mga kalsada mula Lopez hanggang Dela Cruz streets habang isinasagawa ang demolisyon. Sa naunang ulat naman ng radio dzBB, hindi pa matukoy ang bilang ng mga pulis na nasugatan ng pagbabatuhin sila ng mga militante at ilang galit na residente ng Silverio Compound. May ilan ding mga nagprotesta na sugatan mula sa tear gas na ibinato ng mga pulis sa kanila. Nagkabuhul-buhol naman ang trapiko sa Sucat Road dahil sa insidente, na nagresulta rin sa sapilitang pagsasara ng ilang establisyimento at tindahan sa nasabing lugar. Ayon kay Trinidad, ipinatawag ang Police Special Weapons and Tactics (SWAT) teams mula sa Metro Manila police para tumulong mapanumbalik ang kaayusan sa lugar. Ayon sa ulat, nagsimula ang tensyon nitong Lunes ng umaga nang magsunog ng gulong ang ilang residente, na umano'y suportado ng ilang militant groups, upang magprotesta laban sa demolisyon. Nauna nang inihayag ng mga lokal na opisyal na mga stall sa talipapa at hindi mga bahay ang apektado ng demolisyon. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News