5 katao, patay sa sagupaan ng militar at hinihinalang mga rebelde sa Davao Sur
Apat na pinaniniwalaang miyembro ng New People's Army at isang government militiaman ang nasawi sa naganap na engkwentro sa Davao del Sur nitong Miyerkules. Sa ulat ng militar nitong Huwebes, sinabi na ang engkwentro sa bayan ng Magsaysay, ay naganap sa araw din nang tambangan ng mga hinihinalang rebelde ang tropa ng mga sundalo sa Ifugao, na nagresulta sa pagkamatay ng 11 sundalo at isang sibilyan. Ang bakbakan sa Davao del Sur ay sinasabing tumagal ng 45 minuto sa Barangay Bacungan dakong 1:45 p.m., nang salakayin ng may 30 rebelde ang Talusob detachment sa lugar. Dalawang bangkay ng hinihinalang rebelde ang nakuha ng tropa ng pamahalaan, habang dalawang bangkay pa umano ang nakita ng mga residente sa lugar. Samantala, kinilala ang nasawing militiaman na si Leonardo Cainglet, habang bahagyang nasugatan ang kasamahan nitong si Dionato Obias. Ayon kay Lt. Col. Alexis Bravo, Commander ng 27th Infantry Battalion, hindi nasiraan ng loob na lumaban ang mga tropa ng gobyerno nang maganap ang pag-atake ng mga rebelde. “The failed attack is an indication that these NPAs continue to weaken and [are] now losing their mass base support," pahayag ni Bravo. Habang papatakas, sinabi ni Bravo na nakatanggap sila ng impormasyon na tinangay ng mga rebelde ang limang sibilyan sa Barangay San Miguel para gamiting human shield. Kinilala ang mga dinukot na sibilyan na sina Vicente Bunal, Jolly Paimalan, Elmer Entes, Rhyan Banua at Pablo Butaya. Nakuha sa lugar ng engkuwentro ang isang M14 rifle, isang USAS 12 gauge shotgun, isang fragmentation grenade, mga bala at 20 backpacks, ayon sa militar. – FRJ, GMA News