ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Demolisyon, karaniwang nagaganap tuwing bakasyon


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Karaniwan umanong nagaganap tuwing bakasyon ang paggiba sa tahanan ng mga tinatawag na “informal settler" sa kalunsuran gaya na lamang nang nangyaring madugong engkwentro sa Silverio Compound sa Parañaque City noong Lunes. Sa panayam ng GMA News Online, inihayag ni Princess Asuncion, media advocacy officer ng Urban Poor Associates (UPA), na kadalasang isinasagawa ang demolisyon kapag bakasyon, kung kailan hindi maapektuhan ang pag-aaral ng mga bata. Dagdag nito, itinataon ang pagsasagawa ng demolisyon sa panahon ng tag-init dahil ipinagbabawal ang demolisyon kapag masama ang panahon, dagdag ni Asuncion. Nitong Lunes, isang tao ang namatay habang 39 iba pa ang nasugatan sa madugong demolisyon sa isang talipapa sa Silverio Compound sa Parañaque City. Naniniwala ang ilang residente na ang balang nakapatay kay Arnel Tolentino, 21-taong-gulang na residente ng Silverio Compound, ay nagmula sa baril ng mga pulis. Ngunit itinanggi ito ni Justice Secretary Leila de Lima matapos lumabas umano sa medico-legal report na isinumite ng National Bureau of Investigation (NBI), na nagmula sa isang cal. 38 na baril ang balang nakapatay kay Tolentino. Ayon pa sa kalihim, long firearms gaya ng armalite rifle ang ginamit ng mga miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) team na ipinadala sa Silverio Compound upang mapanatili sana ang katahimikan sa lugar. Nakahanda sa gibain Samantala, naghahanda na ang mga residente mula sa dalawang magkahiwalay na compound Parañaque at Quezon City sa posibleng demolisyong magaganap sa kanilang mga tirahan. Inihanda na ng mga residente sa Tucuma Compound sa Barangay Merville sa Parañaque City ang ginawa nilang "stink bomb," o dumi ng tao na nakalagay sa mga plastic bag. Itatapon nila ito sa demolition team na gigiba ng kanilang mga bahay. Nagsagawa naman ng vigil nitong Miyerkules ng gabi ang mga residente sa isang compound sa Commonwealth village sa Quezon City. Sa ulat ng radio dzBB, inihayag ng ilang pamilya sa compound na hindi sila gagalaw sa kabila ng expiration ng kanilang 30-araw notice of eviction. Panawagan sa Pangulo Kasabay ng sunod-sunod na demolisyon, nanawagan ang ilang militante kay Pangulong Benigno Aquino III na itigil ang paggiba sa mga bahay ng mga maralitang taga-lungsod. Hiling ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa Malacañang, bigyang prayoridad ang mga urban poor community na naninirahan sa public lands. "Malacanang must take significant actions in the face of massive demolition plans to give way to priority development projects through Public-Private Partnership (PPP)," nakasaad sa isang pahayag ng grupo. “The PPP of the Aquino administration has become a tool to systematically attack urban poor communities sitting on public lands. Instead of delivering infrastructure and public services it claims, PPP is providing big capitalists like Henry Sy and the Ayalas profitable contracts at the expense of the urban poor being evicted from their homes," dagdag nito. Inihayag ito ng Kadamay matapos maglabas ng pahayag noong Miyerkules si presidential spokesperson Edwin Lacierda laban sa ginagawang pambabatikos ng mga militante sa administrasyong Aquino dahil sa kawalan umano ng pag-aksyon sa madugong demolisyon sa Silverio Compound. Pinabulaanan niya ang mga alegasyon na walang ginawa ang pangulo tungkol sa nangyarihang insidente. Ang katotohanan, inatasan umano ni Aquino ang ilang opisyal para siyasatin ang naganap na karahasan. "Itong mga militanteng grupo wala nang magawa, maisip kundi batikusin si Pangulong Aquino. Klarong-klaro po nagbigay po ng instruksyon si Pangulong Aquino kay Secretary Robredo, imbestigahan po 'yung insidente," ayon kay Lacierda. Paliwanag pa ni Lacierda, galing sa korte ang kautusan tungol sa demolisyon sa Silverio Compound at walang kinalaman ang Palasyo. "This is a separate branch of government so it was not by virtue of an executive action on our part. Let's be clear with that and I hope the militant groups stop confusing the public on this. Check your facts first before you start accusing the President," pakiusap ni Lacierda. Mas maraming demolisyon Sa tala naman ng UPA na inilabas nitong Pebrero 2012, lumitaw na sa taong 2011 naganap ang may pinakamataas na bilang ng documented cases ng eviction mula noong 1994. Sa kanilang pag-aaral, mula Enero hanggang Disyembre 2011, 744 pamilya o 73,780 indibidwal ang apektado sa 39 na demolition incidents sa National Capital Region. Ayon kay Asuncion, inaasahan pa nilang mas tataas ang bilang ng demolisyon sa taong ito dahil na rin ngayon pa lamang nagsisimula ang taon. Samantala, nagbanta ang grupong Kadamay na hindi magiging madali ang pagsasagawa ng mga demolisyon. Handa umano silang sumabak sa madugong labanan matulungan lang ang maralitang taga-lungsod. “With the current stance of Malacanang, Metro Manila will be seeing more street battles in the coming days as the urban poor are left with nothing but to risk lives and limbs in order to defend their homes and livelihood," deklara ng grupo. -- Amanda Fernandez/FRJ, GMA News