ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Partylist groups na sasabak sa 2013 polls, pinasasala sa Comelec


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nanawagan ang isang election watchdog sa Commission on Elections (Comelec) na salaing mabuti ang mga partylist group na sasali sa darating na 2013 mid-term elections. Puna ni Henrietta de Villa, chairperson ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), nagmimistulang “backdoor entry" sa Mababang Kapulungan ang partylist system. Sinabi ni de Villa na magiging malaking hamon sa Comelec ang pagsala sa mga partylist group para matiyak na tanging mga grupo na kumakalinga at nagsusulong sa kapakanan ng mga napapabayaang sektor ang makakasali sa halalan. Ikinalungkot niya na napagsasamantalahan at inaabuso ng ilan ang magandang hangarin ng batas na lumikha sa partylist system na mabigyan ng tinig sa Kongreso ang marginalized sector ng lipunan. Dagdag ni de Villa, maaaring ang pork barrel fund ang habol ng ilang sumasali sa partylist elections para isulong ang kanilang personal na agenda. Iminungkahi niya sa Kongreso na gumawa ng hakbang para maisaayos ang sistema sa pamamahagi at paggamit ng naturang pondo. “Puwedeng habol lamang nila ay pork barrel funds dahil napakalaking bagay iyan para sa kanilang sariling agenda. Pero yun nga tingnan din ng Kongreso ang mga dapat baguhin sa batas gaya ‘yang pork barrel at community development," pahayag ni de Villa sa panayam ng Radyo Veritas. Gaya ng mga kongresistang nahalal sa distrito, ang mga partylist congressman ay nakatatanggap din ng sarili nilang pork barrel fund (Priority Assistance Development Fund) na umaabot sa P70 milyon bawat taon. Sa ngayon, may 56 kongresista mula sa 43 partylist groups ang nakaupo sa Kongreso. - MP/FRJ, GMA News