ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Demolisyon ng mga bahay sa Metro Manila, ipinatigil muna ni Robredo


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nagpatupad ng pansamantalang moratorium nitong Biyernes si Interior and Local Government (DILG) Secretary Jesse Robredo sa paggiba ng mga bahay ng mga informal settler sa Metro Manila. Sa isang pahayag, sinabi ng kalihim na mananatili ang moratorium habang isinasagawa ang pagrebisa sa lahat ng patakaran ng mga kinauukulang ahensiya na may kinalaman sa demolisyon kasama na ang Philippine National Police at local government units (LGUs). Matapos ang isasagawang pagrepaso, kailangang magkaroon ng a “pre-demolition meeting" ang PNP, LGUs, National Housing Authority, mga may-ari ng gigibaing bahay, at iba pang stakeholders bago ipatupad ang anumang kautusan ng korte. Ang kautusan ay ipinalabas ni Robredo upang maiwasan umano na maulit ang marahas na demolisyon na naganap sa Silverio compound sa Paranaque City nitong Lunes. “Pending the review, hinto muna yung mga demolitions… habang ‘di pa malinaw yung mga related policies and guidelines on this subject," ayon sa kalihim. Sinabi naman ni Robredo na labag sa batas ang plano ng ilang informal settlers na batuhin ng dumi at ihi ng tao ang mga magsasagawa ng demolisyon. “Hindi yun tama dahil magpapalala lang yun ng sitwasyon. Pwede silang hulihin dahil ang balak nila’y magdudulot ng pinsala o perwisyo… dahil merong silang intensyon na masama," paliwanag niya. Naniniwala ang kalihim na maaaring naiwasan ang madugong demolisyon sa Paranaque City kunsaan isang tao ang nasawi kung nagkaroon lamang ng pagpupulong ang mga tao at opisyal na sangkot bago ang demolisyon. “Kung nag-usap lang ng maayos ang lahat ng concerned groups and personalities sa issue na ito, ‘di sana ito mangyayari. The court order indicated that only 61 families lang ang covered ng demolition pero mukhang yung lahat ng 5,000 families sa loob ng compound ay nasabihan o na mislead na kasama sila sa mga ide-demolish," ayon kay Robredo. - FRJ, GMA News