Sen. Miriam: Sa alitang PHL-China, sariling interes ang iisipin ng US, ASEAN
Pananaw ni Senator Miriam Santiago na huwag dapat umasa ang Pilipinas na makakuha ng suporta mula sa United States—o sa mga kalapit na bansa sa Southeast Asia—sa alitan nito kontra China ukol sa West Philippine Sea. “Ilusyon ang iisiping kakampihan tayo laban sa pang-aaway ng China... It’s self-deception; I would say that is not how international relations work," kanyang inihayag sa panayam ng radyo dzBB. Inihayag ito ni Santiago habang naghahandang makipagkita ang ilang opisyal ng Pilipinas sa kanilang US counterpart sa isang "2+2" na pagpupulong sa Washington D.C sa darating na Lunes. “Hindi tayo makaaasa sa US. It is going to side with the Philippines or China depending on its own interests,” ayon kay Senador Santiago, chairperson ng foreign relations committee sa Senado. Ayon kay Santiago, iisipin ng US ang utang nito sa China. “Tumigil sila sa kaaasa sa US dahil may utang ito sa China,” aniya. Haharapin nina Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario at Defense Secretary Voltaire Gazmin sina US Secretary of State Hillary Clinton at US Defense Secretary Leon Panetta sa Washington DC, kapitolyo ng US. Ayon sa mga naunang ulat, itatampok umano sa pagpupulong ang mga aspektong economics, political, defense at security fronts ng kapwa bansa. Naniniwala si Santiago na hindi magbibigay ng suporta ang US sa Pilipinas sa magaganap na "2+2" na pagpupulong. “No, I don’t think so," aniya. “Dahil noon pa marginal player ang Pilipinas," aniya. Dagdag nito, ayon kay Miriam, nais ng mga umuunlad na bansa tulad ng China at mainland na bansa tulad ng US na magkaroon ng maluwag na interpretasyon sa exclusive economic zone sa Southeast Asia upang maaaring malayang dumaan ang kanilang mga barko at eroplano. Palasyo inaabangan ng resulta ng miting sa US Aminado naman ang Malacañang na hindi nito alam ang takbo ng mga usapin sa Washington DC hangga’t hindi pa bumabalik sa bansa sina Gazmin at del Rosario. "It’s really difficult to say at this point... As to what will be the result, it’s still up in the air. We have to wait for result and briefings after they arrive from the US,” ani presidential spokesman Edwin Lacierda sa panayam ng dzRB radio. Samantala, inihayag naman ni Santiago na maaari ring hindi magbibigay ng suporta ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa Pilipinas dahil sa trading relations ng mga kalapit bayan sa China. Hindi umano isasakripisyo ng ibang bansa ang kanilang trading relations sa China, ayon kay Santiago. Sa kabila nito, naniniwala si Santiago na kinakailangang magsagawa ng binding code of conduct ang ASEAN sa South China Sea. “Hindi natin maasahan ASEAN will immediately respond to our call for a binding code of conduct, kahit alam nila na tama tayo at 'yan ang tamang gagawin. Pero takot sila mawalan ng napakalaking pera," aniya. Sa kabila nito, pinayuhan niya ang Pilipinas na ipagpatuloy pa rin ang pangangampanya sa mga bayang miyembro ng ASEAN. Ayon kay Santiago, kasalakuyang mayroong nakatalagang code of conduct sa Asia-Pacific region ang mga underdeveloped states tulad ng Pilipinas, na binubuo ng 205 na patakaran para sa navigation at overflight sa mga exclusive economic zones. Non-binding ang code of conduct na ito, dagdag ng senador. “Ngayon, sasabihin natin sa mga kapit-bansa sa ASEAN, 'tingnan n'yo o ginagawan kami ng ganito ng China. Mamaya kayo rin gagawan ng ganyan, maghihintay pa ba kayo? Hindi ba dapat ngayon pa lang sama-sama tayo at manindigan?' We should have a regional binding code of conduct," aniya. Customary international law Ayon kay Santiago, habol umano ng China makamtam ang Panatag Shoal upang makilala ang kanilang sovereignty sa lugar, na alinsunod sa customary international law. Paliwanag niya na sa ilalim ng customary international law, maaaring makamtam ng China ang lugar kung mapapakita nito na matagal nang nangingisda ang kanilang mga mamamayan sa bahaging iyon ng karagatan. Sa kabila nito, naniniwala si Santiago na ang tunay na layunin ng China ay ma-exploit ang natural resources ng Southeast Asia. “Only China has the technology to do that. 'Pag handa na tayo na mag-exploit o kukuha ng (resources) diyan, naubos na ng China. The Department of Foreign Affairs (DFA) should not lose sight of the fact na gusto ng China na unahan tayo," aniya. “The DFA should not lose track of the fact we are laggards in maritime underwater technology,” dagdag niya. Pinayuhan din ni Santiago ang DFA at militar na maging alerto sa posibilidad na ilunsad ng China ng kanilang submarines sa pinag-aagawang South China Sea. — Amanda Fernandez/ELR, GMA News