ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

PNoy, muling tinanggihan ang panukalang P125 dagdag sa sahod


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Muling hindi sumang-ayon si Pangulong Benigno Aquino III nitong Martes sa pagpapatupad ng dagdag P125 sa minimum wage sapagkat maaari umano itong magresulta sa pagkatanggal ng ilang empleyado sa kanilang mga trabaho.
 
Sa kanyang talumpati para sa mga labor at employer group nitong Labor Day sa Malacañang, inihayag ni Aquino ang kanyang pagkabahala sa panukala sapagkat maaari umanong magdalawang-isip ang mga prospective investor at maantala ang inaasahang economic growth.
 
Ayon kay Aquino, maaaring umabot  ng P1.43 trilyon bawat taon ang magagastos ng industriya kung ipatutupad ang dagdag P125 sa minimum wage ng 40 milyong manggagawang Pilipino.
 
“Paano po ito babawiin ng mga magbabayad tulad ng mga negosyante? Di po ba itataas nila ang presyo ng mga produkto at serbisyo o di kaya ay magko-cost cutting tulad ng paglay off sa mga empleyado,” aniya.
 
“May nagpaliwanag bang may mahigit 527,000 na Filipino ang pwedeng mawalan ng trabaho sa taong ito at sa susunod na taon pag ipinatupad ang ganitong klaseng mungkahi,” dagdag niya.
 
Konsultasyon sa mga labor union
 
Ayon kay Aquino, itinaas ng 5.44 percent ang minimum wage noong 2011 habang ang inflation rate naman ay 2.8 percent.
 
Inihayag din niya na minadali na niya ang regional tripartite wage and productivity boards sa kanilang pagsasagawa ng konsultasyon kasama ang labor union upang agad nang makagawa ng panibagong wage order. Noong Mayo 2011 pa naganap ang pinakahuling wage increase.
 
Nauna nang inihayag ni Aquino na binigyan na ng pahintulot ng Salary Standardization Law 3 (SSL3) ang gobyerno upang ipatupad ang pang-apat na bahagi ng pay hike para sa mga manggagawa ng gobyerno.
 
Nakatakdang lumabas ang ika-apat na bahagi ng salary increase sa darating na Hulyo, ngunit ayon kay Aquino, sinusubukan na ng gobyerno na ipatupad ang hike ng mga manggagawa Hunyo pa lamang.
 
Ayon kay Aquino, sa kabila nito, sa Hulyo pa tataas ang kanyang sweldo, pati na rin kay Vice President Jejomar Binay at sa Cabinet secretaries.
 
Tinanggihan din niya ang mungkahing ibasura ang subcontracting arrangement ng pribadong sektor sapagkat, sa kabila ng pagtulong nito sa mahigit 1.8 milyong manggagawa, mahigit 10.3 milyong iba naman ang maapektuhan.
 
Minimum wage
 
Sa kanyang talumpati, inihayag ni Aquino na mas mataas ang minimum wage ng Pilipinas kung ikukumpara sa mga kalapit na bansa.
 
“Paalala lang po, sa sitwasyon ngayon malayo na tayo sa ating mga karatig bansa. Sino po ba ang nakaaalam na di hamak na mas mataas ang minimum wage sa Pilipinas kumpara sa ibang bansa sa Asya,” aniya.
 
Ayon kay Aquino, umaabot ng $9 hanggang $10 ang minimum salary sa bansa habang sa Cambodia naman ay $2 lang. Samantala, umaabot lamang ng $2.24 hanggang $3.21 ang minimum wage ng Vietnam at ang Indonesia naman ay $3.05 hanggang $5.27 lamang.
 
“Kung lalayo pa po ang agwat natin sa kanila, sino ba namang dayuhang negosyante ang mangangahas pang mamuhunan dito sa atin dahil sa Cambodia $2 dollars, sa atin ay $9 ang minimum,” aniya.
 
“Baka po maantala pa ang nararanasan nating paglago ng ekonomiya,” dagdag niya.
 
Itinuro rin ng Pangulo ng pananatiling stable ng presyo ng basic commodities sa bansa sa kabila ng ilang oil price hikes.
 
“Di po ba (dati) pag napabalita ang taas ng presyo bukas, ngayon pa lang ay nakapila na ang pagtaas ng presyo ng bigas, de lata at iba pang bilihin pero ngayon habang nagrereklamo na ang maraming bansa sa sabay na pagtaas ng langis at halos lahat ng basic commodities, sa Pilipinas naman po napapanatili nating stable ang presyo ng maraming bilihin,” aniya.
 
“Magtataasan po lahat yan kung ikokompromiso natin ang stabilidad ng sahod na mayroon tayo ngayon,” dagdag niya.
 
Magna Carta para sa domestic workers
 
Sa naganap na talakayan, hiniling ni Atty. Jose Matula ng Federation of Free Workers kay Aquino na ipatupad ang Magna Carta ng domestic workers.
 
Hiniling din niya kay Aquino na pag-aralan muli ang oil deregulation law at Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).
 
Inihayag din niya ang pagkabahala ng ilang manggagawa laban sa outsourcing, kagaya sa nangyari sa mga empleyado ng Philippine Airlines. Hiniling niya kay Aquino na gamitin ang residual powers nito upang linawin ang pulisiya sa management prerogative. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News