Manggagawa sa Region 6, dismayado sa P12 dagdag sa sahod
Dismayado ang grupo ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa Western Visayas dahil hindi umano sapat ang P12 minimum wage hike na inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) sa nasabing rehiyon. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Martes, sinabi ni Elmer Forro, spokesman ng Kilusang Mayo Uno (KMU-Panay), na kulang ang inaprubahang umento ng RTWPB para tustusan ang mga pang-araw-araw na gastusin ng mga manggagawa. “Ang P12 na desisyon ng TRWPD ay insulto sa mga manggagawa. Hindi limos ang kailangan nila kundi isang maayos na dagdag-sahod na P125 legislated wage increase," pahayag ni Forro. Sinabi naman ni Alan Estonia, na nagdesisyon siyang iwan na ang kanyang trabaho sa pribadong sektor at nagbabalak lumipat sa gobyerno dahil din sa maliit na sahod. Sa limang taong pananatili bilang manggagawa sa isang bangko, hindi umano nadagdagan ang kanyang kita sa kabila ng pangako ng kanilang kompanya. Hindi umano sapat ang kanyang kinikita na P300 bawat araw na kulang pa raw kung tutuusin na pambayad sa kanyang bahay. Ipinaliwanag naman ng DOLE-Region 6 na ang P12 umento ay batay umano sa kakayahan ng mga nagpapasahod na employer at pangangailangan ng mga manggagawa. – FRJ, GMA News