ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

PNoy, nanindigan sa kanyang desisyon na ibasura ang P125 wage hike


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ipinagtanggol ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III nitong Miyerkules ang kanyang desisyon na ibasura ang panukalang dagdagan ng P125 ang minimum wage ng mga manggagawa sa bansa. “Yung balance ‘nung money supply at saka ‘nung goods and services 'pag mas marami hong perang nagsi-circulate at pareho lang yung bibilhin mong goods or service, tataas ang presyo ng bawat isa dahil nawala yung balance nila dati," paliwanag ni Aquino sa mga mamamahayag matapos ang isang aktibidad sa Catanduanes. Pinamunuan ng Pangulo ang inagurasyon ng Solong at Hitoma 1 Hydroelectric Power Plants, at ang New Weather Radar Tower Station ng PAGASA sa Brgy. Buenavista, Bato, Catanduanes. Ayon kay Aquino, kailangang suriin nang mabuti ang panukalang P125 legislated wage increase. “Talagang itong mga nagmumungkahi parang ‘pag sa mababaw na tingin: ‘wow!’ Sino nga naman ang hindi magugustuhan ang umento? Pero ‘pag nangyari ‘yon imbes na mapaganda ang sitwasyon, lalong magpapasama sa manggagawang supposedly isinusulong nila yung interes. Sana suriin natin yung mga minumungkahi nila," dagdag ng Pangulo. Muling iginiit ni Aquino na mas mataas pa rin ang minimum wage ng Pilipinas kung ikukumpara sa mga kalapit na bansa. Ipinaliwanag niya na ang dagdag na P125 bawat araw sa sahod ay magiging katumbas ng karagdagang $3 sa kasalukuyang $9 hanggang $10 na minimum wage sa Pilipinas. Ikinumpara niya ito sa $2 na minimum wage sa Cambodia. “Two dollars sila, 13 or 12 tayo, kung pareho lang ang trabaho bakit pupunta sa atin (yung foreign investors)?" ayon kay Aquino. “Ngayon, ulitin ko lang yung sinabi ko kahapon, taun-taon may one million na kailangan tayong mahanap na bagong trabaho dahil may bagong mga pumapasok sa ating labor pool. Isama mo pa diyan mga 2.7 to 2.9 million ang walang trabaho, mayroon pang kulang ang trabaho," dagdag niya. Patuloy niya, tataas lamang ang labor cost kung ipatutupad ang wage increase, kung saan maaari umanong magdalawang-isip ang mga investor na mamuhunan sa Pilipinas. Ito umano ang magiging dahilan para maantala ang inaasahang pag-unlad ng ekonomiya ng bansa. Masama ang loob Masama naman ang loob ng ilang progresibong grupo sa naging desisyon ng Pangulo. Sa isang pahayag, sinabi ni Bayan Muna party-list Rep. Teddy Casino na hindi naging patas si Aquino nang tanggihan niya ang panukalang P125 wage hike. “Pres. Aquino's rejection of labor's demand for a P125 wage hike is classic Noynoying, mali-mali at hindi masusing pinag-aralan. His computation is too simplistic and flawed, he used the entire labor force of 40M as base figure for saying the increase would cost P1.4 trillion when the reality is that only 20M wage and salary workers will be covered," ayon kay Casiño. “He (Aquino) sees it as an economic loss when in fact it is a gain for the workers whose purchasing power will rise. This will help the economy as a whole since the workers will spend it to buy more goods and services for the local market," dagdag ng militanteng kongresista. Iginiit niya na matagal nang kinakailangan ng mga manggagawa at ng ekonomiya ang pagtaas ng sahod. Hindi umano dapat ipagkait ang P1.4 trilyong halaga ng sahod sa mga obrero na karapat-dapat naman nilang tanggapin. -- Amanda Fernandez/FRJ/YA, GMA News