ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Operasyon ng Iloilo Airport, balik na sa normal


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Balik na sa normal ang operasyon ng Iloilo Airport nitong Miyerkules ng umaga. Humingi naman ng paumanhin ang pamunuan ng paliparan sa nangyaring aberya dulot ng brownout at nangakong hindi na ito muling mauulit pa. Sa ulat ni GMA-Iloilo News reporter Joecel Huesca sa Balitanghali, sinabing naibalik ang power supply sa airport dakong 4:00 a.m. nitong Miyerkules, at nailawan na muli ang runway. Umabot sa siyam na flight ang nakansela nitong Martes nang mawalan ng kuryente ang paliparan simula 4:30 p.m. Umabot sa tinatayang 1,000 pasahero ang naapektuhan. Paliwanag ni Efren Nagrama, manager ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP-Iloilo), sumobra ang gamit nilang enerhiya nitong Martes dahil sa matinding init. Bunga nito, nasunog ang UPS o Uninterruptible power supply at hindi na nakontrol ang sitwasyon nang nadamay na pati ang ibang gamit. Humingi ng paumahin si Nagrama sa insidente at tiniyak na hindi na ito mauulit dahil ginagawan na nila ng paraan ang naging problema. -- FRJ, GMA News