Wala umanong krisis sa tubig sa Malolos
Nilinaw ng isang opisyal ng Malolos City Water District (MCWD) na walang krisis sa inuming tubig sa lungsod sa harap ng matinding init ng panahon. Gayunman, inamin ni Nicasio Reyes, general manager ng MCWD, na mahina ang daloy ng tubig sa mga tahanan at patuloy na natutuyo ang groundwater dahil sa sobrang pagkuha dito, bukod pa sa mainit ang panahon. Ginawa ng opisyal ang pahayag bilang tugon sa mga ulat na ilang barangay sa lungsod ang kinakapos sa inuming tubig. “Patuloy po naming ginagawan ng paraan ang mga mahinang pressure ng tubig sa iba't-ibang lugar," pahayag ni Reyes. Sinabi nito na “isolated case" lamang ang sitwasyon sa Kalye Biga sa Barangay San Pablo na hirap na kinakapos sa tubig dahil nasa bukid o dulong lugar na ito. Pero nagpahayag siya ng pangamba na posibleng tumaas ang singil sa tubig kapag natuloy ang panukalang Bulacan Bulk Water Project. Gagawin ito sa pamamagitan ng paglalagay ng dagdag na pressure pipe sa mga water pumping station ng MCWD. Idinagdag ni Reyes na wala ring dapat ikabahala sa pagbaba ng ground water sa Malolos dahil mabagal lang naman umano ang pagbaba ng antas nito. Una rito, sinabi ni Elmer Magaling, engineer ng MCWD, umabot na sa tatlong metro ang ibinaba ng ground water sa Malolos. Patuloy naman ang kalbaryo ng ilang residente sa Barangay San Pablo katulad ni Eduardo Camua na nakatira sa ‘di kalayuan sa MacArthur Highway, dahil ilang linggo na raw silang nagtitiis sa mahinang daloy ng tubig. Sinabi ni Camua na napupuyat sila ng kanyang misis dahil kailangan pa nilang maghintay ng hatinggabi para makaipon ng tubig na magagamit kinabukasan.-- RRamos/FRJ, GMA News