ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Elimination sa American Idol, inabangan ng mga taga-Bataan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Inabangan ng mga residente sa lalawigan ng Bataan ang elimination round sa sikat na singing contest sa US na American Idol nitong Biyernes. At nang banggitin na “safe" ang dugong Pinoy na si Jessica Sanchez, hindi na magkamayaw ang mga tao. “Masayang-masaya kami dahil nasa Top 4 na si Jessica Sanchez. Sana lahat ng Pilipino ay suporthan siya," ayon kay Genel Llanes, kawani sa marketing ng STI Computer College sa Balanga City. Nagmistulang mga bata na napasigaw at nagpalakpakan ang mga guro at kawani sa STI nang maideklarang pasok sa Top 4 si Jessica. Kasama niyang nakaligtas sina Joshua Ledet, Phillip Phillips, at Hollie Cavanagh. Napatalsik naman sa kompetisyon ang 18-anyos na si Skylar Laine. Tubong Bataan ang ina ni Jessica, habang Mexican naman ang kanyang ama. Ilan sa mga dugong Pinoy na malayo ang naabot sa Americal Idol ay sina Jasmine Trias na nakapasok sa Top 3, at si Ramiele Malubay na umabot sa Top 9. Maging ang mga nagtuturo sa STI na sina Stella Importa at Ruth Owel ay napapalundag pa sa sobrang kasiyahan para sa pag-usad ni Jessica sa kompetisyon para maging susunod na American Idol winner. Ayon kay Llanes, nang maging emcee siya kamakailan sa isang singing contest sa Hermosa, Bataan, may nakausap siyang balikbayan mula sa Estados Unidos na lubos din ang paghanga kay Jessica. Sinabi umano ng balikbayan na ngayon lamang ito nakakita ng isang singer na kasinggaling ni Jessica at proud na proud ito bilang kababayan ni Jessica sa Bataan. Idinagdag pa umano ng balikbayan na buo ang suporta ng mga Pilipino sa Amerika para kay Jessica. Samantala, nagpaabot naman ng ‘di pagsang-ayon si Llanes sa naging puna ni American Idol judge Randy Jackson na hindi kagalingan ang performance ni Jessica kumpara kay Tina Turner sa pag-awit ng "Proud Mary." “Para sa akin unique ang style ni Jessica at sobrang galing ang performance dahil narinig ko na rin ang version ni Tina Turner," paliwanag ni Llanes na madalas kuning emcee sa mga singing contests at fashion show. -- Ernie Esconde/ FRJ, GMA News