ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Hataman nais magkaroon ng panibagong rehistro ng mga botante sa ARMM


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Upang mabura ang masamang imahe ng Autonomous Region in Muslim Mindanao bilang “poll cheating capital" ng Pilipinas, hiniling ni ARMM Governor Mujiv Hataman na magkaroon ng panibagong pagrerehistro ng mga botante sa rehiyon. “Magkakaroon talaga (ng doubt sa outcome of the elections in the region) especially after ‘nung census sa revalidation," pahayag ni Hataman sa panayam ng media matapos ang oath taking ng mga bagong miyembro ng ARMM regional legislative assembly sa Malacañang nitong Martes. Ang tinutukoy ni Hataman ay ang census tungkol sa aktuwal na populasyon ng mga tao sa rehiyon. “Nagkakaroon talaga ng significant decrease sa population so ibig sabihin niyan magkakaroon rin ng significant decrease doon sa voters’ registration," dagdag niya. Batay sa talaan ng National Statistics Office, lumitaw na nagkaroon ng 1.08-million discrepancy sa populasyon sa ARMM batay sa 2007 report at revalidation nitong 2010. Noong 2007, mayroong 4.1 milyong populasyon ang ARMM, na nabawasan naman sa 3.2 milyon sa isinagawang revalidation noong 2010. Sa nagdaang mga halalan, naging kilala ang ARMM na lugar kung saan talamak umano ang dayaan sa boto ng mga kandidato. “Basically naman sa ngayon ang gusto naming i-address kasi ‘yung perception na cheating capital ang ARMM kaya ang way namin diyan is magkaroon ng general registration para malinis talaga," pagdiin ng gobernador. “At kami mismo sa regional government at buong mamamayan ng ARMM ay handa rin talaga doon sa general registration," dagdag niya. Sinabi ni Hataman na una sa gagawin ng regional legislative assembly sa Huwebes ay magpasa ng resolusyon upang hilingin sa Commission on Elections na magsagawa ng general registration sa ARMM. Tiniyak naman ni Budget Secretary Florencio Abad na may pondong ilalaan sa pagpaparehistro na tinatayang aabutin ng P430 milyon. Ang mga bagong miyembro ng ARMM regional legislative assembly na nanumpa sa Palasyo nitong Martes ay sina: • Nurjay Sahali, Rodolfo Bawasanta at Carlum Jumaide para sa lone district ng Tawi-Tawi; • Juni Ilimin, Jarah Hamja at Rajam Akbar para sa lone district ng Basilan; • Satrina Tulawie, Nedra Burahan at Mahendra Madjilon para sa 1st district ng Sulu; • Bhydir Sarapuddin, Abdel Anni, Irene Pungutan-Tillah para sa 2nd district ng Sulu; • Ziaur Adiong, Rasol Mitmug Jr., at Majul Gandamra para sa 1st district ng Lanao del Sur; • Yasser Balindong, Sittie Norhanie Lao at Alexander Menor para sa 2nd district ng Lanao del Sur; • Arafat Kusain, Suharto Ibay, at Romeo Sema para sa 1st district ng Maguindanao; • Bassir Utto, Rahima Alba, at Khadafeh Mangudadatu para sa 2nd district ng Maguindanao, at; • Yasir Naga, Samira Gutoc, Deonato Mokudef bilang sectoral representatives. –FRJ, GMA News

Tags: hataman, armm