Jet lag 'di ininda ni Pacquiao, sumabak agad sa pag-ensayo sa L.A.
Hindi ininda ni Pambansang Kamao Manny Pacquiao ang jet lag na dulot ng mahabang biyahe at agad na sumabak sa training sa Los Angeles, California. Ayon sa ulat ni Sports Saksi Chino Trinidad sa 24 Oras, tila walang bakas ng pagod at pagka-antok si Pacquiao dahil matapos ang 13-oras na biyahe mula Maynila hanggang Los Angeles sa Amerika ay nag-jogging na agad ito sa Griffith Park. Pero kahit na nanghihina at pagod daw si Pacquiao ay tuloy pa rin ito sa pag-ensayo para ipagpatuloy ang kanyang paghahanda para depensahan ang kanyang World Boxing Organization (WBO) welterweight title kontra kay Timothy Bradly sa June 9 (June 10 sa Maynila). Kailangan pang mag-adjust ng body clock ni Pacquiao dahil madaling araw sa Pilipinas ang oras nang ensayo nito sa Wild Card gym ni coach Freddie Roach. Agad na dumiretso ang eight-time world division champion sa Wild Card matapos mag-jogging. Ayon kay assistant trainer Buboy Fernandez, ayaw ni Pacquiao maputol ang training program na hinanda ni Roach kaya nilalabanan na lang niya ang jet lag at antok sa pamamagitan ng pag-inom ng maraming tubig. Ani Fernandez, maganda na ang naging puhunan ng Team Pacquiao nang simulan nila ang training camp sa General Santos City at Baguio City. "Iba ang galaw na pinapakita niya every day. Even si Coach Freddie (Roach) nagugulat. Puwede sana itulog na lang, pero diretso pa din sa Wild Card gym para mag-ensayo," ayon Fernandez. Nakakumpleto pa rin si Pacquiao ng 12 rounds sa punch mitts, double end bag at speed bag sa unang araw ng training niya sa Wild Card gym. — JVP/FRJ, GMA News