ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Panamanian diplomat na inakusahan ng rape, idineklarang persona non grata


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Halos isang araw matapos makalabas ng bansa, idineklara ng Department of Foreign Affairs na isang persona non grata ang Panamanian diplomat na inakusahan ng panghahalay sa isang 19-anyos na Pinay. Sa isang pahayag nitong Sabado ng DFA, inihayag ng pamahalaang Pilipinas na hindi na katanggap-tanggap sa bansa ang pananatili ni Erick Bairnals Shcks, 35-anyos, miyembro ng administrative at technical staff ng Panamanian Embassy. Ang pahayag ay ginawa ng DFA matapos na panindigan ng mga opisyal ng embahada ng Panama sa Manila na taglay ni Shcks ang “diplomatic immunity." Dahil sa taglay na diplomatic immunity, hindi makakilos ang pamahalaan ng Pilipinas na makasuhan ng panggagahasa si Shcks. Ito ay batay na rin sa sinasaad ng 1961 Vienna Convention on Diplomatic Relations, na ang mga diplomat ay hindi saklaw ng criminal jurisdiction ng host state kabilang na ang pagkulong at pag-aresto sa mga ibinibintang na kaso. “Late Friday afternoon, 11 May 2012, the Ambassador of Panama Roberto Carlos Vallarino delivered a Note to the Department of Foreign Affairs (DFA) conveying the Panamanian Government’s decision not to waive the immunity of Mr. Erick Bairnals Shcks. Immediately thereafter, the DFA declared Mr. Shcks PERSONA NON GRATA (PNG)," nakasaad sa pahayag ng DFA. Iginiit ng DFA na dapat alisin na ng Pamana sa kanyang tungkulin si Shcks. Ang hakbang umano ng DFA laban kay Shcks ay naayon naman sa Article 9 ng Convention na nagsasabing: “The receiving State may at any time and without having to explain its decision, notify the sending State that the head of the mission or any member of the diplomatic staff of the mission is persona non grata or that any other member of the staff of the mission is not acceptable." Kapag hindi sinunod ng embahada ng Pamana sa ipinalabas na kautusan ng DFA laban kay Shcks, hindi na umano kikilalanin ng pamahalaan ng Pilipinas ang diplomatic immunity ng inakusahang rapist na diplomat. Idinagdag ng DFA na kaagad nilang ipapaalam sa Department of Justice ang pagdeklara kay Shcks na persona non grata para sa kaukulang hakbang. Ngunit nitong Biyernes ng gabi, umalis na patungong Panama ang si Shcks. Matatandaan na si Shcks ay unang inaresto ng mga pulis noong Abril 24 dahil sa reklamong panghahalay sa isang Filipina na naganap umano sa tinutuluyan nito sa Makati. -- FRJ, GMA News

Tags: panama