Jessica Sanchez, ‘last girl standing’ sa American Idol
Si Jessica Sanchez na lang ang nag-iisang babae sa reality TV singing competition na "American Idol" bilang isa sa Top 3 kasama sina Joshua Ledet at Phillip Phillips.
Umuwi si Jessica Sanchez nitong Sabado (Linggo sa Pilipinas) sa Chula Vista, San Diego, California, kung saan siya ipinanganak at lumaki, para sa tradisyunal na homecoming ng "American Idol."
Maliban kay Jessica Sanchez, apat pang Pilipina na ang naging kalahok sa "American Idol." Sila ay sina Jasmine Trias at Camille Velasco (Season 3), Ramiele Malubay (Season 7), at si Thia Megia (Season 10).
Si Jasmine Trias ay umabot sa Top 3 at si Camille Velasco ay hanggang Top 9. Si Ramiele Malubay naman ay naging 9th finalist at si Thia Megia ay naabot ang Top 13.
Mensahe galing sa Malacañang
Umaasa naman ang Malacañang na mananalo si Jessica Sanchez sa Season 11 ng "American Idol."
“We are really hoping for the best, we are wishing her the best of luck this final stretch. Sana susunod (na episodes ng) 'American Idol' magiging si Jessica (ang panalo),” ayon kay deputy presidential deputy spokesperson Abigail Valte sa dzRB.
“With all the support she’s getting from Filipinos with or without calling from the executive (department) magtutuloy-tuloy ‘yan,” dagdag pa niya.
‘Guy with a guitar’ past winners
Si Jordin Sparks ang huling babaeng naging kampeon sa "American Idol." Nanalo siya noong Season 6 pa—limang seasons na ang nakaraan.
Mula noon, sunud-sunod na ang pagkapanalo ng mga lalaki sa American Idol.
Kabilang dito si David Cook ang naka-uwi ng patimpalak sa Season 7 ng American Idol kung saan kabilang rin si Ramiele.
Si Kris Allen naman ang nanalo sa Season 8, si Lee Dewyze sa Season 9; at si Scotty McCreery naman sa Season 10.
Noong simula ng Season 7, nagkaroon ng bagong regulasyon ang ‘American Idol’ kung saan pumayag ang producers ng show sa paggamit ng mga contestant ng musical instruments.
Ayon naman sa isang statistics-oriented fan website na Idolanalytics.com, hindi na kataka-taka na mga WGWG o White Guy With Guitar ang nananalo sa AI nitong nakaraang pitong seasons ng programa.
Tinukoy ng Idolanalytics.com ang komposisyon ng Rolling Stone Top 100 Artists at sa pamamagitan ng isang pie chart, ipinakita ng website na 49 percent ng top artists ay WGWG.
Ang natitirang WGWG sa AI ay si Phillip Phillips. Si Joshua Ledet naman ay African-American. Wala pang contestant na may dugong Asyano na nananalo sa AI.
Sa estima naman ng Off Shore Gaming Association (OSGA) website, na ilang taon nang mayroon ‘betting odds’ o pagtataya sa kung sino ang mananalo sa AI, si Phillip Phillips ay llamado kontra Jessica Sanchez at Joshua Ledet na halos magkapareho lang ang posibilidad umano na maging kampeon.
Mula 2009 hanggang 2011, nagtugma ang taya ng OSGA sa final results ng AI sa mga taon na iyon. Sumablay lang sila noong sina David Cook at David Archuleta ang final two. Si Archuleta ang inakala nilang manalo noong 2008.
'Winning not everything'
Ayon sa research ng The Nielsen Company, na siyang sumusubaybay sa ratings ng mga TV shows sa US, minsan ay nagiging mas matagumpay pa ang career ng mga hindi kampeon sa AI kumpara sa mga naging kampeon sa kani-kanilang batch.
Tulad na lamang, aniya ng Nielsen, ni runner-up Clay Aiken na ang unang album ay naging mas mabenta kaysa unang album ni AI winner na si Ruben Studdard. Si Chris Daughtry na Top 4 lang ay mas mabenta pa ang album kaysa album ng mas umusad pa sa kanya sa AI. — Mac Macapendeg/AMD/ELR/KG, GMA News