ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Corona: Namuhunan ang aking pamilya sa foreign exchange
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Sa kanyang unang pagkakataong isalang sa witness stand sa kanyang sariling impeachment trial, inihayag ni Chief Justice Renato Corona nitong Martes na namuhunan umano ang kanyang pamilya sa foreign exchange matapos ang alitan ng kanyang asawa sa mga kamag-anak nito na nag-ugat sa pagtukoy ng ownership ng kumpanya ng pamilya na Basa-Guidote Enterprises Inc. (BGEI).
“Wala kaming hilig mag-invest sa properties. Ini-invest namin ang aming resources sa foreign exchange,” ani Corona sa kanyang pangunang talumpati sa kanyang paglilitis.
Sa kabila nito, hindi pa nakumpirma ni Corona kung ang umano'y $10 milyong natagpuan ng Office of the Ombudsman sa ilalim ng kanyang pangalan sa siyam na magkaka-ibang bank facilities ang investments na kanyang tinutukoy.
Kasalakuyang humaharap si Corona sa kasong culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust para sa bigo niyang paglalahad ng lahat ng kanyang mga ari-arian sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN). Hindi isinama ni Corona ang dollar accounts niya sa kanyang SALN.
Sa kanyang emosyonal na talumpati sa impeachment court, iginiit ni Corona na lahat ng mga ari-arian ng kanyang pamilya ay nagmula sa kanilang 45 taong pagtatrabaho.
"Ako ay hindi nagnakaw sa gobyerno," ani Corona. "Wala akong kasalanan."
Basa family feud
Sa halip na ipaliwanag ang kanyang dollar investments, binigyang detalye ng punong mahistrado ang awayan sa pamilya ng kanyang asawa.
Ayon kay Corona, nagsimula ang alitan matapos ilipat ng kanyang yumaong uncle-in-law na si Jose Maria Basa III ang ari-arian ng pamilya sa Libis sa Quezon City sa ilalim ng kanyang pangalan.
“Ang problema sa pamilya nila ay napakayamang pamilya pero ang kanilang ari-arian, nakatali sa property. Alam naman po nating mga abugado na kapag kayo ay nagpamana ng property, maraming beses, nag-aaway,” aniya.
Tinawag niyang "spoiled brat" ang yumao niyang uncle-in-law sapagkat hindi umano ito nagtrabaho sa buong buhay nito.
“Hindi po si Mr. Basa ang inapi. Siya po ang nang-api sa aking mother-in-law,” aniya. Tinutukoy niya ang yumaong ina ng kanyang asawa at kapatid ni Basa na si Asuncion.
Sa kanyang SALN, matatagpuan ang P11 milyong loan ni Corona sa BGEI.
Nauna nang tumestigo si dating Manila Mayor Lito Atienza na nagbenta umano ang lungsod ng lupain sa BGEI sa halagang P34 milyon. Ayon sa defense, inilipat ang halagang ito sa bank account ni Corona.
Corona: Ako ay hindi nagnakaw sa gobyerno
Sa kanyang emosyonal na talumpati sa Senado, iginiit ni Corona na hindi siya nagnakaw mula sa kaban ng gobyerno.
"Wala akong kasalanan, wala akong katiwalian," aniya. "Ako ay hindi nagnakaw sa gobyerno."
Pinatamaan din niya muli ang administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III na umano'y naghihiganti sa naging ruling ng high court sa Hacienda Luisita, na nagresulta sa redistribution ng lupain ng pamilya ng yumaong ina ni Aquino na si dating Pangulong Corazon Cojuangco Aquino.
Ayon kay Corona, nag-ugat ang kanyang impeachment dahil sa naging ruling laban sa pamilya ni Aquino.
Dumating si Corona at ang kanyang asawang si Cristina, na nakasakay sa itim na sport utility vehicle sa Senado sa Pasay City nitong Martes ng hapon para sa ika-40 ng araw ng kanyang sariling paglilitis.
Nagmula si Corona at ang kanyang convoy mula sa Korte Suprema, kung saan nagsagawa ng inter-faith prayer at send-off ceremony para sa punong mahistrado.
Mahigit 500 mga tagasuporta ang dumating sa pagtitipon, kabilang na ang mga miyembro ng college fraternity ni Corona na Fraternal Order of Utopia. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News
More Videos
Most Popular