ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Senado ipinasara matapos mag-walkout si Corona sa impeachment trial


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Inutos ni Senate President Juan Ponce Enrile ang pagsara sa gusali ng Senado sa Pasay City matapos ang isinagawang walkout ni Chief Justice Renato Corona sa kanyang sariling impeachment trial. “Isara niyo ‘yung pinto,” mariing utos ni Enrile sa Senate security nang biglang lumabas ng trial hall si Corona matapos ang kanyang pangunang talumpati sa paglilitis. Matapos ang mahaba niyang talumpati, kabilang na ang isang PowerPoint presentation, sinabi ni Corona, "And now, may I be excused?" Bigla siyang tumayo at naglakad nang mabilis palabas ng session hall kasama ang asawang si Cristina kahit wala pang sagot ang korte. “Nobody can get out of this Senate. I order all the doors closed. I don’t want any defiance of the powers of this impeachment court,” mahigpit na pahayag ng Senate President dahil sa nangyari. Sinabihan niya ang papalayo na si Corona na dapat nitong bigyan ng respeto ang impeachment court, kasabay ng pagbigay din ng respeto sa kanya ng mga senador. Sa ulat ng GMA News TV, nakaranas umano ng pagkahilo ang mahistrado at humiling ng gamot. para sa hypoglycemic episode o low blood-sugar. Ang opening statement ni Corona ay tumagal ng dalawang oras. Matapos ang pagsara, natagpuang nakaupo sa wheelchair si Corona habang dinadala sa Senate clinic mula sa senators' lounge. Ayon kay Constantino Castillo III, isang doktor at son-in-law ni Corona, diabetic ang punong mahistrado at nakaranas ng pagbaba ng kanyang blood sugar level. “He [Corona] was not able to eat lunch and he mentioned he felt blurring of vision at the end of his testimony. That’s why he said ‘Excuse me.’ He didn’t want to faint inside the Senate session hall,” ani Castillo. - Isinalin ni Amanda T. Fernandez/YA, GMA News