1 pang senador, umaming hiwalay na sa asawa
Inamin ni Senador Aquilino “Koko" Pimentel III nitong Martes na winakasan na nila ng kanyang misis na si Jewel May Lobaton ang 12 taon nilang pagsasama. “This may well be the most difficult public pronouncement I will ever be making in my entire life. And painful too, as every separation involves a certain degree of pain," pahayag ni Pimentel. “I confirm my separation from my wife of close to 12 years, Jewel May Lobaton. We have been living separately since November 2011,’ dagdag ng senador. Ayon kay Pimentel, sinubukan pa niyang resolbahin ang problema nilang mag-asawa pero nabigo siya. “I tried my best to resolve our differences for the sake of our two boys but have failed to do so. Now that we have separated, my main concern is the welfare of the boys," ayon sa mambabatas na nakaupong senador noong nakaraang taon matapos magbitiw si Sen Juan Miguel Zubiri. Nagbitiw si Zubiri dahil sa mga alegasyon na nakinabang siya sa dayaan sa Maguindanao noong 2007 senatorial elections kaya nakuha ang ika-12 puwesto at sinundan ni Pimentel na nasa ika-13 puwesto. Ngayon taon ay kinumpirma din ni Sen Francis Escudero na hiwalay na sila ng kanyang misis na si Christine Elizabeth “Tintin" Flores. Umabot din ng 10 taon ang pagsasama nina Escudero at Flores, at nagkaroon sila ng kambal na anak. Gayunman, tumanggi si Escudero na magbigay ng detalye tungkol sa dahilan ng kanilang hiwalayan. Tiniyak naman ni Pimentel na hindi maaapektuhan ng kanyang personal na buhay ang kanyang tungkulin bilang senator-judge sa ginaganap na paglilitis kay Chief Justice Renato Corona. “Hence, I am asking for prayers from my supporters and the understanding of our people whom I serve. I want to assure them that this situation will not affect the discharge of my duties as a Senator," ayon kay Pimentel. -ER/FRJ, GMA News