ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Corona, dalawang gabing nanatili sa ICU


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Dalawang gabing nanatili si impeached Chief Justice Renato Corona sa intensive care unit sa isang ospital sa Pasig City. Nanatili siya sa  hanggang Huwebes ng umaga, at inilipat na ito sa isang regular room, ayon sa ulat ng radio dzBB. Maglalabas ang ospital ng medical bulletin sa kalagayan ni Corona Huwebes ng hapon, dagdag pa ng ulat. Noong Miyerkules, inihayag ng kanyang mga duktor na kinakailangang manatili ng punong mahistrado sa ospital ng 48 oras upang maobserbahan. Ayon kay Dr. Eugenio Ramos, senior vice-president for medical services ng The Medical City, maaaring nakararanas ng acute coronary syndrome o heart attack si Corona kung kaya kinakailangan pa nitong obserbahan. Ayon sa kanya, dahil diabetic ang pasyente, maaari itong magdulot ng “complications involving both the kidneys and heart." Dinala si Corona sa The Medical City bandang 7 ng gabi noong Martes matapos niyang humarap sa Senate impeachment court at nagbigay ng mahabang talumpati. Samantala, sa hiwalay na ulat ng dzBB, napag-alamang mayroong mahigpit na pulisiya ang ospital sa mga bisita. Ito ay obserbasyon ni dating Sen. Francisco Tatad na pumunta sa ospital upang bisitahin si Corona, ngunit hindi pinayagang bumisita sa punong mahistrado. Ayon kay Tatad, naka-usap niya ang asawa ni Corona, na si Cristina. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News