ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

10 katao sugatan sa banggaan ng tourist bus at delivery truck


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

DINALUPIHAN, Bataan- Sampu katao ang sugatan, kabilang ang isang drayber na naputol ang paa, matapos mabangga ng isang tourist bus ang kasalubong na delivery truck sa Dinalupihan, Bataan Biyernes ng tanghali. Kapwa nawasak ang unahang bahagi ng tourist bus at delivery (forward) truck. Halos durog ang windshield ng bus. Sinabing nawala sa linya ang bus nang malubak ang kanang gulong sa unahan ng sasakyan na naging dahilan upang mawalan ng kontrol ang drayber at tumbukin ang kasalubong na trak na nasa kabilang linya ng kalsada sa Brgy Naparing, Dinalupihan. Naputol ang bahagi ng kaliwang paa ng drayber na si tourist bus na si Darwin Dizon, 36-anyos, ng Baruya sa Lubao, Pampanga. Sugatan ang pitong pasahero ng tourist bus kabilang ang apat na sakay na may edad 12 -16. Dinala sa Dinalupihan District Hospital ang mga nasugatan at pagkaraan ay inilipat sa Jose Lingad Memorial Hospital sa San Fernando, Pampanga. Kapwa nagtamo rin ng mga sugat sa kamay at paa ang drayber ng delivery truck na si Julius Talledo, at pahinante niyang si Larry Conjurado. Pareho silang residente sa San Miguel, Bulacan. Ayon kay Talledo, galing sila sa Olongapo City at pauwi na nang mabangga ng bus bandang 10:45 a.m nitong Biyernes. “Nasadlak ang gulong ng bus sa lubak kaya nasira ang gulong at tinumbok kami. Mabuti na lamang at ganito ang nangyari sa amin kundi pinaglalamayan na kami," sabi ni Talledo. -- Ernie B. Esconde/FRJ, GMA News